MAKARAAN dakpin at isuko sa International Criminal Court (ICC), tiniyak ng Palasyo na hindi pababayaan ng pamahalaan si former President Rodrigo Duterte na nakakulong ngayon sa The Hague para harapin ang kasong crimes against humanity kaugnay ng madugong giyera kontra droga.
Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, meron naman aniyang batas na nagbibigay-garantiya sa tulong ng pamahalaan para sa lahat ng Pilipinong nahaharap sa kaso sa ibang bansa.
Gayunpaman, nilinaw ni Castro na kailangan pa rin managot ni Duterte alinsunod sa Republic Act 9851 (Philippine Act on Crimes Against International Humanitarian Law, Genocide, and Other Crimes Against Humanity).
Aniya, karapatan ng bawat Pilipino – tulad ni Duterte, humingi ng saklolo sa pamahalaan, bagay na aniya’y maaasahan ng dating pangulo na kasalukuyang nakapiit sa The Hague bunsod ng kasong isinampa ng pamilya ng libo-libong biktima ng madugong giyera kontra droga ng nakalipas na administrasyon.
“Sino man kahit hindi dating Pangulo, basta Pilipino, makakaasa yan ng tulong sa ating pamahalaan,” dugtong ng Palace official.
Kumbinsido naman si Castro na mayroong sariling abogado ang dating pangulo.
Wala pa rin aniyang paramdam ang kampo ni Duterte kung hihingi sila ng tulong kaugnay sa kinakaharap na kaso sa ICC.
