DALAWANG linggo bago ang takdang petsang hudyat ng pagsisimula ng campaign period para sa mga kandidato sa local level, naglabas ng babala ang Commission on Elections (Comelec) sa mga incumbent local officials laban sa pamamahagi ng NFA Rice sa mga botante.
Ito ay matapos pahintulutan ng Comelec ang pagbebenta ng bigas ng National Food Authority (NFA) sa mga local government unit (LGU) sa bisa ng food security emergency.
Ayon sa Comelec, may mga kalakip na kondisyon ang exemption na iginawad ng poll body kaugnay ng public spending ban sa mga social welfare project at services ng gobyerno mula Marso 28 hanggang Mayo 11 sa ilalim ng Comelec Resolution No. 11-60.
Kabilang sa kondisyon ang pagtatakda ng presyo ng NFA rice na ipapasa ng National Food Authority sa mga LGU – presyong hindi bababa sa P33 kada kilo, at bawal ipamahagi ng walang bayad, maliban na lang kung mag-apply ng spending ban exemption sa Comelec ang mga lokal na pamahalaan.
