
PARA kay Senador Bong Go, hindi katanggap-tanggap ang anunsyo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) kaugnay ng suspensyon sa pag-iisyu ng guarantee letters sa ilalim ng programang Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS).
Partikular na tinuligsa ni Go ang pahayag ni DSWD Assistant Secretary and Spokesperson Irene Dumlao sa napipintong suspensyon ng guarantee letters para sa “annual liquidation process” at pagbabayad sa mga service providers.
“Eh paano na lang po ang mga magkakasakit? May deadline ba yun? May extension ba ang buhay kung wala silang matatakbuhan?” patutsada ng senador sa pagdinig ng Senate Committee on Health.
“Andidiyan na naman po ang mga polisiya ng gobyerno na illogical po. Baka pwede niyo naman pong gawan ng paraan sa DSWD bakit po kailangan niyong magsara ng libro eh pwede niyo namang gawan ng sistema po ito na tuloy-tuloy po ang serbisyo ng gobyerno,” dugtong ni Go na tumatayong chairman ng naturang komite.
Pag-amin ni Go, patuloy na dumadagsa sa kanyang tanggapan ang mga natatanggap na reklamo ng maralitang pasyente.
“Kaya nga tayo dito minadali nating aprubahan ang budget para by January meron tayong working budget. Bakit hindi kayo mag-set aside ng pondo para sa last month o last quarter para tuloy-tuloy po ang serbisyo?”
Sa gigil ni Go, agad na inatasan ang Committee Secretariat na padalhan ng show-cause order bunsod ng hindi pagsipot sa pagdinig.
“The Committee will issue a show cause order and have her explain her absence in this hearing. Kung sino ‘yung wala ngayong araw na ito, mag-issue ka ng show cause order sinong wala.”