
KUNG kailan pa naman malapit na ulit ang halalan, saka pa kinaladkad ang pangalan ng mayor at kapitan sa dinadayong pergalan sa isang lugar na kung tawagin ay Riverside sa bayan ng Montalban.
Ang totoo, maski ako hindi kumbinsido sa ipinangangalandakan nina alyas Roa at Egay hindi pwedeng salingin ang kanilang pergalan dahil timbrado na di umano sila kay Bagong Montalban Mayor Ronnie Evangelista.
Bukod kay Mayor Evangelista, kaladkad din nina Roa at Egay ang pangalan ni Kapitan Glenn Evangelista ng Barangay San Jose.
Nakupu… kilala ko ang magkapatid na Evangelista – si Mayor Ronnie at Kapitan Glenn. Hindi nila sisirain ang panilang pangalan dahil lang sa barya-baryang ganansya mula sa mga ilegal na pasugalan.
Pero giit ng dalawang damuhong operator ng pergalan sa Montalban, totoo ang kanilang tinuran. Katunayan anila, isang nagngangalang Joel ang tumanggap ng bonggang goodwill money para makapag-operate sa Montalban – bukod pa sa lingguhang dibidendo.
Sa isang banda, hindi ko mawari kung bakit hindi ino-operate ng lokal na pulisya ang pergalan nina Roa at Egay. Sa aking sapantaha, mukhang maging si hepe napaniwala na may basbas ni mayor ay kapitan ang ilegal na pergalan sa Montalban.
Bulong ng aking impormante, nagpakawala ng tumataginting na P1.6 milyon sina Roa at Egay kay Joel para ipasok sa Montalban ang salot na pergalan. Pero teka, sino nga ba yang lintek na Joel na yan? Bakit parang alumpihit si hepe salakayin ang salot na pergalan sa nasasakupang bayan?
Sana lang agad na akyunan ni Mayor Evangelista ang ilegal na pergalan sa kanyang mahal na bayan ng Montalban.
* * *
Sa bayan ng Angono, meron din palang pergalan.
Ang siste, matikas ang operator niyan – isang alyas Boy Life na rekta di umano kay Calabarzon regional police chief Brig. Gen. Kenneth Lucas.
Ako man si Angono Police chief Lt. Col. Ariel Azurin, hindi rin ako mangangahas salingin ang ilegal na pasugalang may basbas ni Brig. Gen. Lucas lalo pa’t yakang-yaka siyang sibakin at palitan sa pwesto bilang hepe ng lokal na pulisya ng Angono.
Sa isang banda, hindi ako naniniwala sa paandar ni Boy Life na rekta ang kanyang ilegal na negosyo kay Brig. Gen. Lucas.
Kaya sa iyo General Lucas, patunayan mo di ka bahagi o nakikinabang man lang sa pergalan ni Boy Life.
Isang tawag lang sa telepono kay Rizal provincial police chief Col. Felipe Maraggun ang kailangan – agad-agad sasalakayin ang salot na pergalan sa mga bayan ng Angono at Montalban.