PARA sa mga tsuper ng mga pampasadang dyip, doble dagok ang anunsyong dagdag-presyo sa krudo ng mga kumpanyang nagbebenta ng mga produktong petrolyo sa lokal na merkado.
Anila, pahirapan na ang pagbiyahe dahil na rin sa nalalapit na kapaskuhan, mapupunta pa sa krudo ang bahagi ng kakarampot na kinikita sa maghapong pamamasada.
Sa kalatas ng Shell Pilipinas Corp., papatawan ng P1.10 ang presyo sa kada litro ng krudo, habang P1.15 naman sa gasolina at 80 sentimos sa kerosene.
Sa isang bukod na pahayag, sinisi naman ng Department of Energy-Oil Industry Management Bureau (DOE-OIMB) ang lumalalang tensyon sa Russia at pagbabawas ng produksyon ng bansang Norway.
Sa datos ng DOE, pumalo na sa P9.40 ang nadagdag sa presyo ng kada litro ng krudo mula Enero ng kasalukuyang taon. Umabot naman sa P10.15 ang suma-total na umento sa bentahan ng gasolina.
