DISKUMPYADO ang isang retiradong mambabatas sa motibo ng administrasyon kaugnay ng napipintong pagbabalik ng US military bases sa bisa ng pinagtibay na Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) na isinusulong mismo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Hinala ni dating Sen. Nikki Coseteng, posibleng lihim na nakipagkasundo ang Pangulo sa Estados Unidos para mabasura ang mga kinakaharap na kasong may kinalaman sa ‘ill-gotten wealth’ ng pamilyang Marcos sa US federal court.
“I would like to ask the media and the public, what are the real reasons for President Bongbong Marcos agreeing to these new EDCA bases and this pro-USA military alignment, is this related to the Marcos family’s American court cases and alleged hidden wealth there?”
Para kay Coseteng, lubhang peligroso ang pagbibigay pahintulot sa pagpasok ng mga Amerikanong sundalo sa Pilipinas.
Paniwala pa niya, posibleng malagay sa alanganin ang kaligtasan ng mga Pilipino kung patuloy na isusulong ang EDCA sa gitna ng alitan sa pagitan ng US at China. Di rin aniya angkop na masilaw ang gobyerno sa $82 milyong pondong ibubuhos ng Estados Unidos para sa pagpapagawa ng mga base militar sa Pilipinas.
Aniya, higit pa sa $82 milyon ang mawawala sa Pilipinas sa muling pagpasok ng mga Kanong ayon sa dating senador ay promotor ng prostitusyon, droga at iba pang pang-aabuso.
“Why make the Philippines a magnet of war with these EDCA bases? I hope that our leaders will not be blinded by the US$82 million dollars to be allocated for infrastructure in sites of the new EDCA bases, not forgetting the high social costs of past US military bases near Olongapo and Angeles before such as prostitution, illegal drugs and other problems.”
Ayon pa sa dating senador, hindi dapat magpagamit ang Pilipinas sa mga Amerikanong kilala sa pagsusulong ng giyera sa iba’t ibang panig ng mundo. Mali rin aniyang gawing patamaan ang mga Pilipino sa digmaan sa pagitan ng dalawang ‘super powers.’
“Why are we now again allowing American military bases back to our country, is this a 21st century Cold War? War does not have any victors. Look at what happened to all our past wars, how many Filipinos died in the Philippine-American War? Do we remember that in World War II when the Philippines was a US colony, one million Filipinos died due to Japanese military invasion?”
Panawagan ni Coseteng sa publiko, maging mapanuri sa aniya’y nakakubling motibo ng administrasyong Marcos sa likod ng EDCA.