TAYTAY, Rizal — Kasabay ng pagdiriwang ng Araw ng Paggawa, personal na pinangunahan ni Senador Mark Villar ang Markabuhayan Job Fair 2026 sa hangarin tugunan ang pangunahing pangangailangan ng bawat pamilya para mabuhay.
Sa isang pagtitipon na dinaluhan ng mga employers na bitbit ni Villar sa SM City Taytay, dumagsa ang mga mamamayan para mag-apply ng trabaho, gayundin ang mga nangangailangan ng kagyat na serbisyo publiko at mga benepisyaryo ng tulong pangkabuhayan.
Daan-daang aplikante ang nagtungo sa SM City Taytay upang tuklasin ang iba’t ibang oportunidad mula sa iba’t ibang pangunahing industriya. Kasabay nito, nagkaloob din ng welfare assistance para sa mga micro at small business owners ang Senador.
Bahagi rin ng naturang aktibidad ang LTO Caravan na nagbigay ng maginhawang access, sa pagproseso ng student permits at renewal ng mga lisensya.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Villar ang mahalagang papel ng mga manggagawang Pilipino sa ekonomiya.
“Ang ating mga manggagawa ang gulugod ng ating ekonomiya. Sa kanilang sipag at tiyaga, patuloy na umuusad ang ating mga industriya at lumalago ang ating mga komunidad,” aniya.
Binigyang-diin din ng mambabatas ang pangangailangang tugunan ang mga hamon sa sektor ng paggawa tulad ng job mismatch, underemployment, at unemployment, lalo na sa gitna ng nagbabagong pangangailangan sa pandaigdigang merkado.
“Patuloy nating pinapahusay ang mga programang nagtutugma sa kasanayan ng manggagawa at sa tamang oportunidad upang maabot nila ang kanilang buong potensyal, lalo na sa nagbabagong kalagayan ng labor market,” wika ni Villar.
Ibinahagi rin ng senador ang kanyang pananaw para sa isang globally competitive na lakas-paggawa ng Pilipinas.
“Ito ang ating layunin—isang mas competitive na Filipino workforce. Hindi lamang sa sipag at tiyaga makikilala ang ating mga manggagawa, kundi pati sa kanilang husay, kakayahan, at kahandaan sa modern at digital na mga trabaho,” aniya pa.
Nagpasalamat din si Villar sa mga katuwang sa pribadong sektor sa patuloy na pakikipagtulungan sa pamahalaan.
“Inaanyayahan natin ang ating mga partner sa pribadong sektor na ipagpatuloy ang pakikipagtulungan sa atin upang makalikha ng mas maraming trabaho, mapalakas ang skills training, at matiyak ang pangmatagalang oportunidad para sa ating mga manggagawa.”
Ang aktibidad ay nagsilbi ring pagkilala sa mahalagang ambag ng mga manggagawa at maliliit na negosyante sa pag-unlad ng bansa.
“Patuloy po kaming nagtatrabaho sa Senado upang matiyak na may sapat na suporta at proteksyon ang lahat ng manggagawang Pilipino—na ang bawat pawis at pagod ninyo ay may katumbas na dangal, seguridad, at pagkilala. Mabuhay po kayo at saludo kami sa inyong sipag at tiyaga,” pagtatapos ni Villar.
