TATLONG taon na ang nakalipas mula ideklara ng World Health Organization (WHO) ang CoVid-19 pandemic pero tila walang naging leksyon nakuha ang pamahalaan sa perwisyong idinulot nito.
Hindi pa rin tumitigil ang panawagan ng mga manggagawang pangkalusugan na wakasan na ang palpak, mapanupil, at pabayang tugon sa pandemya.
Kasi naman, ayon kay Dr. Joshua San Pedro, ang co-convenor ng Coalition for People’s Right to Health (CPRH), patuloy na pinapabayaan ang pampublikong sistemang kalusugan habang bumabalik lang tayo sa dating gawi, na isang pribilehiyo ang maging malusog.
Hindi pa rin libre at wala pa ring komprehensibong pampublikong sistemang kalusugan.
Sabi nga ng CPRH, makalipas ang tatlong taon, lagpas 66 na milyon ang nawalan ng buhay at higit pa ng kanilang hanapbuhay ay nanatiling malayo sa abot bulsa ng karaniwang mamamayan ang mahahalagang serbisyong pangkalusugan, lalo ang pagkamit ng mga makabago’t nakabubuhay na teknolohiya.
Ayon sa People’s Vaccine Alliance, kada 24 segundo ay may namatay sa COVID-19 na maaari sanang naiwasan, kung napasakamay agad sa kanila ang mga kailangan na diagnostic test, gamot at bakuna nang mas maaga.
“Sa halip na tiyakin ang karapatan sa kalusugan sa gitna ng panlipunang krisis, mas binigyang-halaga pa ang usapin ng ‘disiplina’ ng mamamayan at ang pag-alaga sa kita ng mga malalaking korporasyon,” sabi ni Dr. San Pedro.
Aniya, ang mahahabang lockdown at ginawang pagdiin sa mga binansagang pasaway ay nagdulot ng napakaraming paglabag sa karapatang pantao at lalong paglala ng kalusugan ng bansa.
Kasabay aniya ng pag-usbong ng mga pandaigdigang diskurso’t kasunduan ukol sa sistematikong pag-agap, paghanda, at pagtugon tuwing may pandemya, naniniwala si Dr. San Pedro at ang CPRH na nalulugar ang naging karanasan at maibabahagi ng mamamayang Pilipino, lalong-lalo na sa pangangailangang itaguyod ang karapatang pantao at siguraudhin ang karampatang serbisyong pangkalusugan.
Ngunit habang itinatakwil anila ng mga kinauukulan ang anumang pananagutan o pilit na nagbubulag-bulagan sa mga naging sala sa taong-bayan, mas umiigting ang tungkuling alalahanin ang nakaraan at igiit ang ating karapatan sa kalusugan sa inaasam na new normal.
Upang hindi na maulit ang “bangungot” na idinulot ng pandemya ay igigiit ng CPRH at People’s Vaccine Alliancesa Department of Health (DOH), sa pamamagitan ng mga pagkilos na:
1. Wakasan ang palpak, mapanupil, at pabayang tugon sa pandemyang COVID-19. Panagutin ang mga naging paglabag sa karapatang pantao sa gitna ng krisis pangkalusugan;
2. Siguraduhin ng estadong matatamasa ng bawat mamamayan ang batayang serbisyong pangkalusugan, maging sa mga diagnostic test, gamot, bakuna, at iba pang teknolohiyang kailangan para sa COVID-19 at higit pang sakit;
3. Huwag pagtubuan ang serbisyong pangkalusugan, wakasan ang mga monopolyo sa gamot at mga nakabubuhay na teknolohiya, at itaguyod ang pambansang industriya;4. Isulong at pondohan ang isang libre at komprehensibong pampublikong sistemang pangkalusugan katambal ng pag-ahon mula sa pandemya at panlipunang krisis;
5. Tiyakin na ang mga batas at kasunduan para sa tugon sa pandemya ay gumagalang, kumikilala, at nagtatanggol sa karapatang pantao at karampatang serbisyong pangkalusugan para sa mamamayan.
Hindi sana mabaon sa limot ang mga natuklasang anomalya ng ng mga opisyal ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan na ginamit ang pandemya para pagnakawan ang kaban ng bayan.