AMINADO ang Palasyo na mahirap sawatain ang pagkalat ng tinaguriang fake news, pero hindi nangangahulugan na walang gagawin ang gobyerno.
Ito ang buod ng mensahe ni Presidential Communications Office (PCO) Secretary Jay Ruiz, kasabay ng babala hinggil sa plano ng gobyerno — ang pagsasampa ng kaso sa husgado laban sa mga aniya’y nagpapakalat ng maling impormasyon sa social media.
Para kay Ruiz, hindi dapat palampasin ang mga maling impormasyon na aniya’y maaring magdulot ng banta sa kaligtasan ng mamamayan, gayundin sa aspeto ng seguridad ng bansa.
Ayon kay Ruiz, panahon nang wakasan ang mga tinawag niyang kapural sa likod ng pagpapalaganap ng fake news, higit lalo’t nalalagay sa kompromiso ang mga mamamayan.
Isa aniya sa mga posibleng sampolan ng pamahalaan ang nagpapakalat ng walang pasok, bomb threat at iba pa.
“Pag sumobra lalo na yung threat to national security. Paano mo naman hindi pa-file-an nga yan? Yung nananakot, nagpapakalat ng kasinungalingan,” wika ng Kalihim.
Pasok din sa target isulong ng departamento ang regulasyon sa social media kung saan pinaka marami ang naispatang fake news.
