Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
SA pamamahagi ng ayuda, hindi angkop na pinipili ang pagbibigyan. Ito ang pahayag ni House Deputy Majority Leader at ACT-CIS partylist Rep. Erwin Tulfo, kasabay ng babala sa mga opisyal at kawani ng gobyerno sa aniya’y maling polisiya.
Para kay Tulfo, dapat nang tuldukan ang kultura ng “favoritism” sa pagpili ng mga taong tatanggap ng tulong mula sa gobyerno.
Sa isang panukala, target ni Tulfo patawan ng mabigat na parusa ang mga opisyal at kawani ng pamahalaan na mapapatunayan sangkot sa aniya’y kabuktutan.
“Lagi nating naririnig ang problema na namimili si government official ng binigyan niya ng ayuda mula sa gobyerno tuwing may kalamidad, pero wala namang nangyayari sa reklamo dahil walang napaparusahan dahil walang batas laban dito,” wika ni Tulfo
Sa ilalim ng panukalang “Act Penalizing Selective, Discretionary, and Discriminatory Acts in the Delivery of Cash, Livelihood, or Relief Assistance Programs of Local Government Units” nais ng ranking House official na ipakulong ang sinuman public official na sangkot sa nasabing kalakaran.
Hirit pa sa panukala ng kongresista, perpetual disqualification sa mga namimili kung sino ang dapat bigyan ng government assistance.
Hindi rin aniya maikakaila na may mga pagkakataon na pinipili at inuuna ng ilang opisyal ng gobyerno ang mga lider at kamag-anak.
“Usong-uso ito sa ating bayan na pinipili lang ni opisyal ang bibigyan ng ayuda dahil hindi niya ito supporter. Dapat ang ayuda ay walang pinipiling kulay. Dapat kahit anong partido ka, mapapula, berde, dilaw, pink, puti, it does not matter,” dagdag pa ng mambabatas.
Para kay Tulfo, malinaw na paglabag sa accountability at transparency sa government service ang tinawag niyang selective policy sa implementasyon at pamamahagi ng ayuda mula sa pondo ng gobyerno.
“Ang iba namang opisyal inuuna ang mga kamag-anak tulad ng nangyari noong pandemya. Dapat hindi ganun.”
