Ni LOUIE LEGARDA
HINDI naging mahirap para kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. humanap ng ipapalit kay Vice President Sara Duterte na nagbitiw kamakailan bilang Kalihim ng Department of Education (DepEd).
Pag-amin ni Marcos, may mga pangalan isinumite sa kanyang tanggapan, at mula aniya sa naturang talaan magmumula ang susunod na DepEd Secretary.
Gayunpaman, tikom pa rin ang bibig ng Pangulo nang tanungin kung sino ang napupusuan ipalit kay Duterte sa kagawaran. Aniya, iaanunsiyo ang pangalan ng bagong DepEd Secretary sa mga susunod na araw.
Batay sa liham ng pagbibitiw ni Vice President Duterte, babakantehin ang pwesto pagsapit ng Hulyo 19 para may sapat na panahon sa pagsasalin ng mga dokumento at responsibilidad sa susunod na Kalihim.
Ayon kay Marcos, sadyang minadali niya makahanap ng kapalit ni Duterte sa DepEd. Paliwanag ng Pangulo, hindi dapat mawalan ng Kalihim ang naturang departamento.
”Well we have to carry on and the Department of Education is quite possibly, arguably the most important department because education is that important, so no matter the change of leadership in the department, we still have to carry on, so we are now, I will probably be able to, I would like to be able to announce the appointment of the DepEd Secretary by the end of the week,” sambit ni Marcos.
”Minamadali ko lahat. Sinasabi ko bigyan nyo ko ng maraming pangalan. Ano ba yung gusto natin? What do we need? Tignan natin the status of the DepEd. What is now required, ano pa ba ang kailangan gawin?” dugtong pa niya.
Nang tanungin kung ano ang dahilan sa pagbibitiw ni Duterte, sinabi ng Pangulo na maging siya’y walang alam.
”She didn’t give any reasons. I asked her, are there any particular reasons why she has chosen to resign from the Department of Education and the NTF-ELCAC, she said, ‘Huwag na lang natin pag-usapan’, so I did not force the issue,” kwento pa ng Pangulo.
