PUSPUSAN na ang paghahanda ng Department of Justice (DOJ) sa selda kung saan nakatakdang ikahon si dating Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves Jr. sa sandaling mabitbit pauwi ng Pilipinas ang puganteng kongresista sa buwan ng Hulyo.
Ayon kay Assistant Secretary Mico Clavano na tumatayong tagapagsalita ng DOJ, inaasahang kasama na pabalik ng bansa ng mga inatasang opisyales ng ahensya si Teves sa susunod na buwan, matapos aprubahan ng Timor Leste ang extradition request ng kagawaran.
Sa isang pahayag, ibinida ni Clavano ang aniya’y matibay na argumento ng DOJ para tiyakin ang tagumpay sa kasong extradition na isinumite sa Timor Leste bago pa man matapos ang itinakdang deadline.
Kabilang sa mga posibleng pansamantalang tahanan ni Teves ang custodial facility ng National Bureau of Investigation (NBI) o ang detention center ng Philippine National Police (PNP) – o kung saan man nais dalhin ng husgado ang dating kongresistang pangunahing suspek sa mahabang talaan ng mga kasong kriminal – kabilang ang pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo.
Samantala, may 30 araw ang kampo ni Teves na umapela.
Gayunpaman, kumbinsido pa rin si Clavano na papabor pa rin ang desisyon ng Timor Leste Appellate Court sa DOJ.
“We are very confident na iga-grant pa rin sa atin even after the MR dahil malamang ipaparehas lang nila yung kanilang arguments which we can easily controvert and defend,” dugtong the DOJ spokesperson.
Sa kaugnay na balita, nakatanggap di umano ng impormasyon ang DOJ na ibinasura na rin ng Timor Leste ang political asylum na hirit ni Teves.
