ISANG dating Cabinet Secretary ang tumatayong padrino ng mga Chinese nationals na nasa likod ng illegal offshore gaming operations sa bansa – kabilang ang POGO hubs na sinalakay kamakailan, ayon sa Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR).
Hirit ni PAGCOR Chairman at Chief Executive Officer Alejandro Tengco, imbestigahan ang mga dating government officials na aniya’y nagtulak na bigyan ng lisensya ang mga POGO operators sa kabila ng hindi kainamang rekord sa bansang pinagmulan.
Nang tanungin kung sino ang tinutukoy na Cabinet Secretary, tumanggi si Tengco na pangalanan ang dating government official. Gayunpaman, tiniyak ng PAGCOR chief na isisiwalat niya ang pagkakakilanlan ng for Cabinet Secretary sa sandaling ipatawag ng kongreso,
Bukod aniya sa pangalan ng Cabinet Secretary na padrino ng illegal POGO hubs, ilalahad din umano niya kung paano lumaganap at namayagpag ang mga naturang negosyo.
Para kay Tengco, napapanahon nang lumabas ang katotohanan kung paano nakakuha ng permit ang nasa 298 POGO operators gayung 43 lamang di umano ang may lisensya mula sa pinamumunuang ahensya.
“As a regulator, it is our mandate to ensure that only those with valid licenses are allowed to operate all forms of gambling and gaming activities, whether these are land-based casinos or online platforms,” wika ng PAGCOR chief.
Nanindigan din si Tengco na dapat nang walisin ang mga illegal POGO at maging yaong mga aniya’y protektor sa gobyerno.
Samantala, usap-usapan sa social media ang pangalan nina former Justice Secretary Vitaliano Aguirre at dating Presidential spokesperson Harry Roque na posibleng tinutukoy ni Tengco.
