NI ESTONG REYES
SA gitna ng kabi-kabilang insidente ng pang-aabuso at pag-abandona sa mga nakatatanda, hinikayat ng isang mambabatas ang Kongreso na isulong ang isang batas na magbibigay-daan sa pagtataguyod ng ligtas na kanlungan para kina lolo at lola.
Mungkahi ni Senador Sherwin Gatchalian, isang bahay kalinga na pangangasiwaan ng lokal na pamahalaan ng bawat lungsod at munisipalidad sa buong bansa.
Bukod sa bahay kalinga, target din ni Gatchalian ihanay sa kategorya ng krimen ang pang-aabuso sa mga senior citizens.
“Tignan natin ang posibilidad na magkaroon ng LGU-managed homes for the aged dahil napansin natin ang pagtaas ng kaso ng mga matatandang inabandona ng sariling pamilya,” pahayag ni Gatchalian sa pagdinig ng senado sa panukalang budget ng National Commission of Senior Citizens (NCSC).
“Dumadami ang abandoned senior citizens at nakakalungkot na nakikita natin sila sa kalsada,” sabi ni Gatchalian. Sa kaso ng Valenzuela, kung saan nagmula ang senador, nakakabahala ang sitwasyong nagtulak sa lokal na pamahalaan para magtayo ng sariling tahanan para sa mga matatanda na pinangalanang Bahay Kanlungan.
Matatandaang naghain si Gatchalian ng Homes for Abandoned Seniors Act (Senate Bill 950) na naglalayong magtatag ng mga nursing home para sa mga matatanda na patatakbuhin ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), sa pakikipag-ugnayan sa mga nakakasakop na lokalidad.
Sa ilalim ng panukala, ang mga LGU ang inaasahang magtatayo ng mga nasabing pasilidad.
Nanawagan din si Gatchalian sa mga kapwa senador na suportahan ang Senate Bill 816 na naglalayong gawing krimen ang pang-aabuso sa matatanda, kasabay ng pagtaas ng ulat ng pang-aabuso, pagsasamantala, at pagpapabaya sa senior citizens.
“Hinihimok ko ang komisyon na suportahan at itaguyod ang panukalang batas. Kailangan nating tulungan ang ating mga kababayang matatanda na napapabayaan ng kanilang mga pamilya,” ani Gatchalian.
Batay sa pag-aaral ng University of the Philippines-National College of Public Administration and Governance (UP-NCPAG), lumalabas na karamihan ng mga matatandang dumaranas ng pang-aabuso ay pinipili na lang manahimik at magtiis.
Sa datos ng UP-NCPAG, nangunguna ang mga anak ng matatanda bilang pangunahing gumagawa ng pang-aabuso, na sinusundan ng asawa at apo.
