
NI ESTONG REYES
AGRESIBONG kampanya ng pamahalaan ang nagtulak sa mga illegal Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) na lumipat ng pwesto ng operasyon, pag-amin ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla.
Sa pagdinig ng Commission on Appointments (CA), partikular na tinukoy ni Remulla ang mga private resorts at mamahaling restaurants bilang sentro ng operasyon ng mga sindikato sa likod ng online modus ng panggagantso.
Nang tanungin ni Senador Risa Hontiveros ang Kalihim hinggil sa implementasyon ng POGO ban na inilabas ng Palasyo, inamin ni Remulla na bantay-sarado na sa kagawaran ang bagong estilo ng mga illegal POGO at scam farm operators.
“The biggest disguise that they are going through now is that they are applying for resorts and restaurants. So, it is the power of the mayor to visit the establishments and make sure that what is going on is exactly what is intended,” wika ni Remulla.
Paglalahad pa ng DILG chief, “guerilla operation” ang operasyon ng illegal POGO na sinalakay ng mga operatiba ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) sa Lapu-Lapu City, Cebu.
Samantala, kinumpirma naman ng Department of Information and Communications Technology (DICT) sa Senado na umabot na sa 11 scam hubs sa Pilipinas ang pinasara bilang bahagi ng kampanya laban sa mga fraudulent digital operations.