PARA kay Senador Ronald Dela Rosa, napapanahon nang isulong ang amyendahan sa Republic Act 10591 na mas kilala sa tawag na Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, para isulong ang “responsible gun ownership” at mas malawak na regulasyon sa sa paggawa at pagbebenta ng mga baril at bala.
Sa inihaing Senate Bill 2895, target ni dela Rosa baguhin ang ilang probisyon ng RA 10591 para sa mas komprehensibo at epektibong mekanismo sa pagmamay-ari ng baril sa bansa.
Bahagi ng panukalang batas ay ang pagbibigay ng dagdag kapangyarihan sa hepe ng Philippine National Police (PNP) para magtalaga ng kinatawan para sa pag-iisyu ng Permit to Carry Firearms Outside Residence (PTCFOR), kasama na ang pagbibigay ng lisensya at renewal sa paggawa at pagbebenta ng mga baril.
“Such amendment is in line with the direction of providing efficient government service and reducing red tape in the issuance of licenses and permits,” sabi pa senador na nagsilbing hepe ng PNP sa ilalim ng nakalipas na administrasyon.
Isinusulong din ng SB 22895 ang pagdaragdag sa hanay ng mga indibidwal na exempted sa requirement na pagkakaroon ng threat assessment certificate – kabilang ang allied medical professionals at chief security officers ng financial at commercial institutions, at reservists.
Target din ng panukala magkaroon ng 10-taong fix validity ng license to manufacture and deal firearms.
Iminungkahi rin ng SB 22895 na maging exempted ang sports shooters mula sa pagkuha ng authority to transport sa panahon ng eleksyon. Gayunpaman, limitado lamang aniya ang exemption sa tuwing sasabak lang sa kompetisyon sa tuwing panahon ng halalan.
“It will be subject of course to safeguards such as being accompanied by a police escort to or from the port or airport of arrival or departure,” paliwanag ni Dela Rosa.
“Mr. President, these amendments are not about loosening restrictions or promoting the proliferation of firearms. Ito po ay para lalong isulong ang kultura ng kaligtasan at pananagutan, sa pamamagitan ng paglilinaw ng mga regulasyon, at pagpapalaganap ng responsableng pagmamay-ari ng baril. Isa po itong hakbang tungo sa isang mas ligtas na bansa, kung saan ang firearms ay binibigyan ng respeto at ginagamit ayon sa batas at responsableng mga layunin,” pahabol ni Dela Rosa.
