
BILANG bahagi ng nakalatag na paghahanda sa nalalapit na 2025 midterm elections, target ng Philippine National Police (PNP) ang mas maagang implementasyon ng gun ban at pagbawi sa security details ng mga politiko.
Sa isang pahayag, ibinahagi ni PNP chief Gen. Rommel Francisco Marbil ang nakatakdang pagpupulong ng komiteng mangangasiwa sa implementasyon ng gun ban at paglalatag ng seguridad para sa halalan sa susunod na taon.
Bukod sa gun ban, nakatakda na rin ani Marbil bawiin ang mga security details ng mga kandidato sa sandaling matapos ang filing ng Certificates of Candidacy (CoC) sa Oktubre 8.
Gayunpaman, nilinaw ng hepe ng pambansang pulisya na bukas ang PNP magtalaga ng security details kung may makikitang basehan at tunay na banta alinsunod sa magiging pasya ng Joint Peace and Security Coordinating Center.
Kabilang rin sa inilatag ni Marbil ang paglilipat ng mga pulis na may kamag-anak na kandidato sa himpilan kung saan siya nakadestino. Hangad aniya ng natirang hakbang maiwasan ang paggamit sa PNP sa pulitika.