
SA halip na katuparan sa pangakong pagbabalik ng bigas sa presyong P20 kada kilo, nakatakdang itaas sa halagang P38 kada kilo ang tinaguriang NFA rice.
Gayunpaman, nilinaw ng Department of Agriculture (DA) na ang ipapataw na dagdag-presyo ay para sa government-to-government procurement.
Partikular na tinukoy ni National Food Authority (NFA) Administrator Larry Lacson ang alokasyon sa iba’t ibang ahensya kabilang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na karaniwang bumibili ng bigas sa NFA para ipamahagi sa mga maralitang benepisyaryo ng pamahalaan sa iba’t ibang programa.
Ayon sa kagawaran, papalo na sa P38 per kilo (mula sa dating P25 kada kilo) ang pasa ng NFA rice sa DSWD. Gayundin aniya ang presyo ng NFA rice sa mga local government unit at relief agencies.
Paglilinaw ni Lacson, hindi dapat gumalaw ang presyo ng bigas sa mga pamilihang bayan dahil ang makakabili lamang ng P38 per kilong bigas ay ang DSWD, relief agencies, at mga lokal na pamahalaan.
Sa isang kalatas, ipinaliwanag ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang dahilan sa pagtaas sa presyo ng NFA rice. Aniya, kailangan bawasan ang lugi ng NFA.
Taong 2023, umabot sa P6.19 bilyon ang lugi ng NFA dahil mahal nitong binibili ang palay sa mga magsasaka para magkaroon ng 300,000 toneladang bigas na sapat para sa siyam na araw na buffer stock.
“The higher selling price agreed to by the DSWD will help not only reduce NFA losses but also give it additional resources to buy more palay from our farmers,” ani Laurel.