
MATAPOS ang mahabang paghihintay, Inaprubahan ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) ang mga bagong minimum wage rate para sa hanay ng mga manggagawa sa pribadong sektor sa Soccsksargen Region.
Batay sa bagong wage order na magkakabisa pagsapit ng Oktubre 17, makakatanggap ng P27 hanggang P48 na dagdag sa daily minimum wage ang mga manggagawang nakabase sa mga lalawigang sakop ng naturang rehiyon.
Gayunpaman, nilinaw ng RTWPB, dalawang bugso ang implementasyon ng dagdag-sahod para sa mga manggagawang pasok sa agriculture at non-agriculture sector, at apat na tranches sa retail at service sector.
Una nang hiniling ng mga manggagawa sa Region 12 ang dagdag sa arawang sahod bunsod nang naranasang pagtaas ng presyo ng mga mga pangunahing bilihin at inflation.