Ni ESTONG REYES
MAS naging pursigido ang Senado na palalimin pa ang isinasagawang imbestigasyon hinggil sa kaugnayan ni Bamban Mayor Alice Guo sa ilegal na operasyon ng dalawang POGO hubs sa Tarlac.
Sa pinakabagong pasabog ni Senador Risa Hontiveros, nabisto ang 16 na luxury cars ng alkalde – bukod pa sa P138-milyong halaga ng helicopter.
Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality, ipinrisinta ni Hontiveros sa komite ang mga dokumentong nakalap kaugnay ng 16 na luxury vehicles na kinabibilangan ng SUVs, pick-up, closed van, sports car at truck – lahat pag-aari ni Guo.
Tulad ng dati, todo-tanggi ang alkalde.
“Hindi ko na siya assets. Buy and sell din po kasi ang negosyo sa Westcars kaya may umiikot na sasakyan. Pero ang sasakyan na gamit ko ngayon GAC,” tugon ni Guo kasabay ng pag-amin na meron din siyang piggery, meat shop, farms, at embroidery business.
Sa tinuran ng local chief executive, mas tumibay ang paniwala ni Senador Sherwin Gatchalian na hindi ordinaryong mamamayan si Guo – “An ordinary person would not own a helicopter.”
“Narinig ko sa interviews mo ordinary ka. Ang isang ordinaryong tao walang chopper. Ang SALN (Statement of Assets Liabilities and Net Worth) mo umaabot sa 300 million. That is not an ordinary person,” patutsada ni Gatchalian.
Agad naman sinagot ng alkalde ang patutsada ni Gatchalian at sinabing totoong nakabili siya ng helicopter na plana sana niyang gamitin sa negosyong air-taxi pero naibenta na niya di umano dahil hindi natuloy ang negosyo.
Sa isyu ng McLaren na nagvoral sa social media dahil sa plakang nakapangalan sa kanya, palusot naman ni Guo – hiram lang sa isang kaibigan para makasali sa car show na ginanap sa bayan ng Concepcion (Tarlac) noong Disyembre ng nakalipas na taon.
Siya rin di umano ang may-ari ng Baofu Compound kung saan may 32 gusali kung saan nabisto ang ilegal na operasyon ng dalawang POGO Hubs na pinaniniwalaang sangkot sa human trafficking, online scams, money laundering at iba pa.
Natuklasan din sa Senado na kasosyo ni Guo sa kumpanyang Baofu Land Development Inc. ang isang Huang Zhiyang na hinatulan sa Singapore kaugnay ng tinaguriang Biggest Money Laundering Case.”
