MULING iginiit ni AGRI Partylist Rep. Wilbert Lee ang panawagan sa gobyerno na mas pagtuunan ng pansin ang hindi mapigilang pagtaas sa presyo ng mga produktong pagkain, – na aniya’y dahilan kung bakit maraming pamilyang Pilipino pa rin ang dumaranas ng gutom.
“Hindi po nakapagtataka na mas maraming mga kababayan natin ang nagugutom dahil patuloy pa rin ang pagtaas ng presyo ng pagkain,” ani Lee matapos lumabas ang resulta ng pinakahuling survey ng Social Weather Station (SWS) kung saan lumalabas na 10.4% ng mga pamilyang Pinoy ang nakaranas ng involuntary hunger.
Sa datos ng SWS, higit na mas mataas ang naitala sa nakalipas na 12 buwan kumpara sa 9.8% na kumakatawan sa sitwasyon mula Marso 2021 hanggang Marso 2022.
“Patuloy man bumababa ang inflation rate sa bansa, hindi ito nararamdaman ng ordinaryong mamamayan hangga’t di natin gagawing mas abot-kaya ang presyo ng mga pangunahing bilihin lalong-lalo na sa pagkain at inumin, partikular na sa bigas at gulay,” ani Lee.
Nauna nang umapela ang Bicolano lawmaker sa pamahalaan na higit pang palakasin, buhusan ng ibayong suporta at latagan ng iba’t-ibang programa ang local agriculture sector para maisakatuparan ang target na 2.9 percent inflation pagsapit ng 2024.
Ito’y sa dahilang base sa naitang 5.4% inflation rate noong nakaraang buwan ng Hunyo, 47.3% nito, o halos kalahati, ay dahil sa mataas na presyo ng “food at non-alcoholic beverages” na kapwa mula sa iba’t-ibang produktong agrikultura.
Partikular na tinukoy ni Lee ang pananatili ng mataas na presyo ng bigas at gulay sa pamilihan kaya naman aniya hindi ramdam ng mga mamamayan ang naitatalang pagbagal diumano ng inflation rate sa bansa.
Mungkahi ng kongresista, pataasin ang produksyon ng mga magsasaka at mangingisda, gayundin ang pagbubukas pa ng maraming Kadiwa Center lalo na sa bawat munisipalidad at lungsod.
“Kailangan natin ng mga permanenteng solusyon para mapababa ang presyo ng pagkain katulad ng karagdagang post-harvest facilities at mga batas na magpapadali at magpapabilis sa transportasyon ng mga produktong agrikultura mula sakahan hanggang hapag-kainan. Kapag busog ang ating mga tiyan at walang nagugutom, may lakas tayong harapin hindi lang ang mga personal kundi pati pambansang hamon, at magiging Winner Tayo Lahat,” pahabol ng solon.