November 3, 2024

saksipinas

Palaban, Walang Kinikilingan

HIRIT NI BONG GO: UNAHIN DAAN-LIBONG NASALANTA

SA halip na kontrobersiya, kapakanan muna ng daan-daang libong Pilipino ang dapat pagtuunan ng sambayanan, ayon kay Senador Bong Go kasabay ng panawagan sa sabayang pagkilos para tulungan ang mga nasalanta ng bagyong Kristine.

Pag-amin ni Senador Go, mandato ng Kongreso ang mag-imbestiga sa mga usapin lalo pa’t magiging gabay ng mga mambabatas sa napapanahong pag-amyenda o paglikha ng bagong batas na naglalayong pairalin ang katarungan, kaayusan at ligtas na lipunan.

Partikular na tinukoy ng senador ang pagsipa sa Lunes (Oktubre 28) ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng kampanya kontra droga ng nakalipas na administrasyon.

Aniya, walang masama sa “parallel congressional inquiry” kung saan inaasahan ang pagharap ng mga resource persons na una nang ginisa ng mga kongresista sa Kamara de Representantes.

Gayunpaman, binigyang-diin ng senador na may-akda ng Malasakit Center Act ang kahalagahan ng pananaig ng katotohanan sa sandaling magsimula ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee.

“Kailangan magkaroon tayo ng parallel investigation dito sa Senado para malaman natin ang katotohanan. Para malaman natin kung ano lang yung totoo at ano po ang dulot nito sa ating mga kababayan” wika ni Go sa isang panayam isang linggo na ang nakaraan.

Bagamat pabor sa “congressional investigation in aid of legislation,” nanawagan si Go sa mga kapwa mambabatas na huwag kaligtaan ang dusang kinasadlakan ng mga mamamayan sa mga lalawigan sa Visayas region, Bicolandia, Metro Manila, Calabarzon, Central Luzon at maging sa Ilocandia.

Muli rin nanindigan si Go laban sa alegasyon ni former Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) general manager Royina Garma hinggil sa di umano’y reward system sa hanay ng mga operatibang bahagi ng kampanya ng administrasyong Duterte laban sa kalakalan ng droga.

“It’s not true. Like I said, there was no reward system,” anang senador na kabilang sa mga kinaladkad ni Garma sa kontrobersiya.

“War on drugs was not my mandate. My job used to be in line with executive orders, engagements of the president, and I admit there were times that the president called me to arrange some meetings, but not in the operations of war on drugs,” dugtong pa niya.

Sinubukan ng Saksi Pinas kapanayamin si Go para sa mas malalim na pagtalakay sa kontrobersyal na giyera kontra droga ng nagdaang administrasyon. Gayunpaman, abala ang senador sa pagtugon sa mga residente sa mga probinsyang lubhang nasalanta ng bagyong Kristine.