TARGET ng isang dating kongresista ilantad ang isa pang Chinese national na nagpanggap na Pilipino para magtayo ng isang mining company na tinuturo ngayong dahilan ng malawakang pinsala sa kalikasan sa lalawigan ng Palawan.
Sa isang Facebook post, hindi tinukoy ni dating magsasaka partylist Rep. Argel Cabatbat ang pagkakakilanlan ng tinawag niyang pekeng Pinoy. Gayunpaman, isang hamon ang kanyang ipinaabot sa mga netizens.
Aniya iklalabas niya ang pangalan ng aniya’y sikat na bilyonaryong tumiba ng husto sa pagsira sa kalikasan sa Palawan kung aabot sa 10,000 shares ang kanyang pinost sa social media.
Pag-amin ni Cabatbat – na isang abogado – taong 2014 nang hawakan niya ang kaso laban sa naturang bilyonaryong di umano’y walang kakayahang makapagsalita sa inggles o tagalog — “Pero very fluent siya sa wikang Chinese.”
Aniya, lubhang hitik sa impluwensya ang bilyonaryo. Sa dami aniya ng pera ng sinasabing Chinese national, walang kahirap-hirap na nalusutan ang mga kinakaharap na kaso sa husgado. “Mahirap kalaban ang mayaman. He is still here; untouchable and debauched.”
“I personally dug up documents and discovered that he was able to obtain a Filipino passport by filing a late registration of birth. He also claimed that he was baptized in a church in Quezon City a few months after his birth,” diin pa ni Cabatbat.
Pero ang naturang simbahan na tinutukoy sa bastismal certificate ng bilyonaryo, kamakailan lang di umano itinayo.
“Sinubukan ko na itong ilabas sa Congress at plano ko ulit ilabas ngayon pero ayaw tayong paupuin ng mga gustong maging congressman. Ilalabas ko na lang ito sa kalsada,” dagdag pa ng dating solon.
Bukod sa pangalan ng bilyonaryong Chinese national, ilalantad na rin umano niya ang mga opisyal ng pamahalaan na protektor ng nasabing minahan.
