WALANG ceasefire na inirekomenda sa pagitan ng Communist Party of the Philippines at armed wing na New People’s Army at Philippine National Police (PNP) ngayong holiday season.
Sa press briefing, sinabi ni PNP spokesperson Colonel Jean Fajardo na hindi magpapakakampante ang pulisya lalo pa sa naging engkwentro sa pagitan ng mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines at NPA sa Batangas.
“Wala po tayong irerekomenda so far para magkaroon ng ceasefire for this holiday season at kamakailan lang dito sa Batangas ay nagkaroon ng engkwentro between the members of NPA at ‘yung ating mga kasamahan sa AFP at merong namatay at nasugatan sa hanay ng ating government forces,” ani Fajardo.
Isa ang nasawing sundalo at tatlo ang sugatan sa naturang engkwentro.
Aniya, naka-alerto ang PNP lalo na sa paparating na anibersaryo ng CPP-NPA sa Disyembre 26.
“Kasama ito sa pinaghahandaan natin, we will not lower our guards, alam natin na magkakaroon at magse-celebrate sila ng anniversary nitong December 26,” dagdag pa niya.
Magtatalaga rin ng karagdagang pwersa sa mga istasyon ng pulis sa liblib at malalayong lugar na vulnerable umano sa mga pag-atake ng NPA.
“Katuwang ang AFP to make sure na hindi tayo malulusutan ng mga banta sa seguridad including ‘yung police stations at detachments,” sinabi ni Fajardo.
Dahil sa engkwentro, pinalakas din ng PNP ang border control at checkpoint operations.