Ni Hernan Melencio
YAMANG nalalapit na ang kaarawan ni Kristong Hesus, batay sa itinalaga ng Simbahang Katolika, napapanahong paglimian ang naging buhay niya mundo at kung ano ang tingin nating birthday wish niya ngayong taon.
Wala naman sigurong pagtatalo na si Hesus e Palestinong Hudyo o Arabong Hudyo. Hindi Kanluraning puti gaya ng popular na paglalarawan sa kanya sa maraming mga imaheng gawa ng mga Europeo. Mga Hudyo ang magulang niyang si Mariya at Husep, isinilang siya sa Bethlehem, tinuli, nagkaisip at naging Rabbi sa Nazareth. Oo, may mga Palestinong Hudyo; gaya ng merong Palestinong Kristyano at Palestinong Muslim.
Kung ngayong maraming mga bakwit o refugee na Palestino, maituturing ding mga bakwit sina Mariya at Husep na napilitang pumunta sa Bethlehem at doon magsilang dahil sa panggigipit ng pamahalaang Romano.
Kaya kung huhulaan ang birthday wish ni Hesukristo, malamang gusto niyang itigil ng mga Zionistang Hudyo, na namamahala sa Israel, ang walang tigil na pambobomba sa Gaza Strip at patuloy na pananakop sa lupaing Palestino sa West Bank. Aabot na sa halos 20,000 ang mga sibilyan na namamatay sa Gaza ayon sa United Nations sa mahigit dalawang buwan pambobomba ng Israel, karamihan dito e mga babae at bata. Marami pang hindi nakukuhang bangkay sa mga guho at maraming mga sugatang namamatay dahil bukod sa binobomba pati mga ospital at kinakanyon ang mga ambulansya, pinipigil din ng Israel ang pagpasok ng mga tulong na pagkain, gamot at panggatong. Walang kuryente at komunikasyon sa Gaza na noon pa ma’y isa nang concentration camp na bantay sarado ng Israel sa lupa, dagat at himpapawid.
Nagsimula ang hibang na pagmasaker sa mga Palestino nang atakihin ng armadong grupong Hamas ang Israel at pumatay ng 1,200 katao at kumidnap ng may 240 pa noong Oktubre a-siyete. Hindi pwedeng bigyang katwiran ang pag-atake ng Hamas, pero lalong hindi pwedeng tanggapin ang walang pinipiling pag-ubos ng lahi ng mga Palestino na ginagawa hanggang ngayon ng Israel bilang ganti, sa paggigiit na lahat sile e kasapi ng Hamas.
Kinukondena ng mundo ang karumaldumal na krimeng ito ng Israel. Sa huling UN General Assembly, iginiit ng 153 bansa, kabilang ang Pilipinas, na itigil na ng Israel ang kabaliwan nito. Sampu lang ang kumampi sa Israel (na siyempre pinangungunahan ng US at mga alalay nito) at 23 ang nahiyang bumoto, kabilang ang United Kingdom na pasimuno ng gulo sa Israel-Palestine noon pang 1947 nang ibigay nito ang mahigit kalahati ng Palestine sa Zionistang Hudyo para itayo ang Israel. Ang problema, ipinakita ng botohang ito ang pagkainutil ng UN. Walang ngipin ang UNGA; kahit anong pagkasunduan dito e hindi pwedeng ipatupad.
Ang UN Security Council naman na pwedeng magpatupad ng kasunduan, e hawak sa leeg ng imperyalistang Kano at mga kabagang nito. Limang bansa lang ang permanenteng kasapi ng UNSC at hindi maipapatupad ang resolution kahit isa lang sa kanila ang ayaw. Ganun nga ang nangyari sa nakaraang pulong ng UNSC, dalawa ang umayaw kahit mayorya ng kabuuang 15 miyembro nito ang boto sa tigil putukan.
Pero meron namang positibong nangyayari sa gitna ng trahedyang ito; ipinakita ng mga mamamayan ng sanlibutan na hindi sila manhid sa kawalang konsiyensiya ng mga nagsisiga-sigaan sa mundo. Milyun-milyon ang lumalabas sa kanilang mga lungga, walang tigil at walang kapaguran, para kondenahin ang masaker ng mga Palestino. Maraming nagpoprostesta kahit mismo sa loob ng Israel at sa maraming estado sa US. Nakatulong ang mga pagkilos na ito para kalampagin ang mga gobyernong dati ay manhid, gaya na lang ng sa Pilipinas, at manawagan ng pag-awat sa Israel. Nagmamatigas ang Israel pero unti-unti nang nauubos ang mga tagasuporta niya.