BUKOD sa committee on health, higit na magiging abala ni Senador Risa Hontiveros matapos tanggapin ang posisyon bilang bagong chairperson ng Senate committee on electoral reform.
Sa isang caucus, partikular na tinalakay ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson ang pagbibitiw bilang chairman ng electoral reform committee para pagtuunan ang trabaho sa blue ribbon.
Sa pagbaba ni Lacson, tinanggap naman ni Hontiveros ang hamon pamunuan ang komiteng binitawan ng Senate ranking official.
“Puno ako sa Blue Ribbon and Accounts, Senate President Pro Tempore pa ako. Amenable naman si Sen. Hontiveros to chair,” aniya.
Bukod sa pagiging Senate President Pro Tempore, si Lacson din ang namumuno sa Senate Blue Ribbon Committee—na kasalukuyang nag-iimbestiga sa katiwalian sa likod ng mga maanomalyang flood control projects—pati na rin sa Committee on Accounts.
Sa sesyon ng Senado, pormal na ipinaalam ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na nagpahayag si Lacson ng intensyon bitawan ang pamumuno sa naturang komite, at naghain ng mosyon para ihalal si Hontiveros bilang bagong tagapangulo. (ESTONG REYES)
