HINDI sa lahat ng pagkakataon kailangan tukuran ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson ang mga paandar ni Batangas Rep. Leandro Leviste.
Sa isang kalatas, hayagang sinopla ni Lacson si Leviste sa patutsada ng batang kongresista hinggil sa umano’y umiiral na “de-facto Martial Law” sa bansa.
Ayon kay Lacson, wala siyang nakikitang mga hakbang tulad ng pananahimik sa mga kritiko sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon — “Of course not. Malayo. I do not agree,” ani Lacson nang tanungin tungkol sa pahayag ni Leviste.
Dagdag niya, kung totoong may umiiral na “de facto Martial Law,” maaaring nakasuhan na si Leviste ng libelo dahil sa kanyang mga batikos sa umano’y mga maling gawain sa pamahalaan.
“Malimit akong nag-a-agree sa kanya, sa kanyang courage and principles, pero this time, I do not agree,” dagdag niya.
Sinabi rin ni Lacson na dapat maging bukas ang sinuman sa imbestigasyon ng mga awtoridad lalo na kung wala silang itinatago. Ibinahagi niya ang sarili niyang karanasan nang maharap sa mga walang basehang paratang sa panahon ng administrasyong Arroyo.
Gayunman, nalampasan niya umano ang mga pagsubok sa loob ng siyam na taon.
“Kung walang basis, no matter how they investigate you walang mararating. Been there, done that. For nine long years yan ang sinapit ko noon. Pero andito pa rin ako nakatayo pa rin ako.” (ESTONG REYES)
