HABANG hinihintay ang patawag ng Senate impeachment court ng pre-trial proceedings, sinimulan na ng House prosecution panel ang pre-marking ng mga ebidensya, gayundin ang paglalatag ng planong isalang bilang “hostile witnesses” ang mga kaalyado at tauhan ni Vice President Sara Duterte.
Ito ang ipinabatid ni House trial spokesperson at Kabataan partylist Rep. Renee Co, na bukod sa pagsasagawa ng mock trials ng 11-member panel, ay pinagtuunan na rin ng pansin ang pre-marking ng mga ebidensyang nakalap sa nakaraang pre-trial proceedings ng House Committee on Justice.
“Magkakaroon po ng marking of evidence in the sense na kung ano man yung hawak na ebidensya ng prosecution at defense, ilalatag yan, enumerate nila,” paliwanag ng Kabataan partylist solon.
“May pre-marking ang tawag nila doon na gagawin and maaari silang mag-reserve ng right to present additional evidence kung lumabas,” dagdag niya.
Sa pre-trial proper, sinabi ni Co ang ang prosecution panel at defense team ng pangalawang pangulo ay magkakaroon din ng common facts of the case, kaugnay sa inihaing articles of impeachment.
“May bahagi na pwede silang mag-agree sa common facts na panghawakan ng prosecution at defense. May common facts na ang gawain nila ay ipo-prove nila sa trial proper para ma-establish yung conclusion of law na gusto nilang ipakita,” pahayag pa niya.
Isiniwalat din ni Co na ikinokonsidera ng prosecution panel na isalang sa witness stand ang ilang hostile witnesses.
“Tinitignan natin na maaari natin i-call to the stand siya. So, naghahanda din tayo ano yung mga kalakip na gawain para ma-call sila, mapanawagan na ito yung mga tanong na dapat sagutin, paano mag-impeach ng isang hostile witnesses, if necessary,” ani Co.
