PARA kay House Speaker Faustino Dy III, obligasyon ng bawat Pilipino kalingain at protektahan ang hanay ng mga nakatatanda, kasabay ng panawagan sa mga kapwa kongresista na isulong ang mga batas para sa kapakanan ng mga senior citizens sa bansa.
Partikular na tinukoy ni Dy ang Universal Social Pension na isinusulong sa likod ng “Labing-Dalawang Milyong Lagda para sa Matatanda” signature campaign.
Sa ginanap na turnover ng initial batch ng “Labing-Dalawang Milyong Lagda para sa Matatanda” signature campaign sa Kamara, binigyang halaga ng lider ng Kamara ang pagtanaw ng utang na loob sa sakripisyo at ambag sa lipunan ng mga senior citizens.
Aniya, marapat lang na tulungan ang mga nakatatanda na nahihirapan sa mataas na gastusin sa gamot, health care at pang-araw araw na pamumuhay.
“Naniniwala po ako na ang tunay na paglilingkod ay nagsisimula sa pakikinig, pag-unawa, malasakit, at pagmamahal,” wika ng lider ng Kamara.
“Na hindi natin dapat tingnan ang ating mga nakatatanda bilang statistics lamang, kundi bilang mga magulang, lolo at lola, at mga Pilipinong buong buhay nagsakripisyo para sa kanilang pamilya at inang bayan,” dugtong niya.
Sa kasalukuyan, limitado aniya ang government financial assistance para sa senior citizens para sa indigent elderly Filipinos sa ilalim ng Social Pension for Indigent Senior Citizens program. Sa ilalim ng naturang programa, P1,000 lang kada buwan ang natatanggap ng mga kwalipikadong benepisyaryo.
Kaya naman mas sinasang-ayunan niya ang proposed Universal Social Pension, na hindi lamang financial assistance program, bagkus itong maituturing na pagkilala sa dignidad at naging ambag sa lipunan ng mga senior.
“That is why the Universal Social Pension is not simply about assistance—it is about dignity, gratitude, and compassion. Given the costs of medicine, food, and health care, our seniors must be provided support to help them afford all of their basic needs,” giit pa ng kongresista mula sa lalawigan ng Isabela.
“Let us always remember: The true measure of a nation is how it cares for its most vulnerable citizens,” dagdag niya.
Garantiya ni Dy sa mga senior citizens, patuloy na susuportahan ng Kamara ang mga hakbang para matulungan ang mga nakatatanda sa mga kinakaharap na suliranin.
“Dito po sa House, makakaasa po kayo na patuloy po naming susuportahan ang mga tamang hakbang na magpapagaan at magpapabuti sa kanilang buhay dahil ito ay makatao at makatarungan,” aniya pa.
“Ito rin po ang aming paraan upang kahit papaano ay maiparamdam natin sa ating mga senior citizens ang ating pasasalamat sa kanilang kontribusyon sa bawat pamilyang Pilipino at sa ating bansa.”
