SA hangarin tiyakin ang paggulong ng trial proper sa Hulyo 6, nagpahayag ng kahandaan mag-overtime ang mga miyembro ng House prosecution panel para matapos ang evidence marking na isinasagawa sa pre-trial conference.
Sa isang pulong-balitaan, ibinahagi ni lead prosecutor Atty. Gerville Luistro ang hiling ng lupon — sa pamamagitan ni House Secretary General Atty. Cheloy Garafil, sa Senate impeachment court na pabilisin ang proseso.
Rekomendasyon ng House prosecution panel, magdagdag ng cluster na susuri at magmamarka ng mga ebidensya. Hiniling din ng lupon ituloy ang proseso sa mga ng Sabado at Linggo.
Paglilinaw ni Manila Rep. Joel Chua na kabilang sa 11-member House prosecution panel, batid nila na hanggang araw ng Huwebes lang ang pasok ng mga taga-Senado.
Gayunpaman, umapela ang kongresista ng “extended days” para tugunan ang santambak na dokumentong kailangan markahan para matanggap na ebidensya.
“Because of these voluminous documents, kino-consider na rin namin na pati ang Friday at Saturday kung papayagan tayo na magamit na rin,” ani Chua.
Tinukoy naman ni Luistro ang nasa halos apat na libong documentary evidence sa usapin ng maling paggamit ng P612.5 million confidential fund, ang dahilan kung bakit humaba ang proseso.
Paliwanag niya, nasa 1,900 ang payment-related documents hinggil sa paggamit ng P112.5 million confidential funds ng Department of Education (DepEd) na dating hawak ng bise presidente, habang sa 2,000 dikumento naman ang para sa P500 million confidential fund ng Office of the Vice President (OVP).
Bukod sa libo-libong dokumento, isa rin aniya sa dahilan kung bakit natagalan ang proseso ay ang paggamit ng defense team sa mga dokumentong mula sa kampo ng tagausig bilang mga ebidensya rin nila.
“Magkakaroon ng comparison of document before marking, one for the prosecution and next for the defense,” sabi ni Luistro kung kaya ang mga documentary evidence na maituturing na common exhibits ng dalawang panig ay dalawang beses na nasasalang sa marking.
Kapwa naman tumanggi sina Luistro at Chua na magsalita nang hingan ng reaksyon sa “delaying tactic” ng defense panel.
“I do not want to speculate, basta ang kaya ko lang i-share sa inyo, possible na one document, two markings. It’s happening in court. But of course, it is within the prerogative also of the defense if they want to have their own documents marked separate from the documents of the prosecution, notwithstanding the fact that they are exactly the same,” usal ni Luistro.
“That is their prerogative. Pero kagaya nga po nang binanggit ng ating chair na ayaw naman po namin mag-speculate kung ano po ang kanilang dahilan,” sambit naman ni Chua.
Ani Luistro na pinag-uusapan na din ng prosekusyon ang ilang bagay na susunod na idudulog sa impeachment court.
“We will be finalizing our position regarding those matters and whatever will be the decision of the team, we might be filing a manifestation tomorrow,” ani Luistro.
