Ni Estong Reyes
MALAKI ang kumpiyansa at pagtitiwala sa sarili na malulusutan ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa ang isasagawang imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) sa madugong drug war sa panahon ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Sa panayam, sinabi ni Dela Rosa, dating hepe ng Philippine National Police (PNP) na nagpatupad ng “Oplan Tokhang” na ikinamatay ng mahigit 20,000 petter drug pusher kasama ang inosenteng sibilyan, na kaya nitong lusutan ang ICC probe kapag pumayag ang gobyerno.
Aniya, kanyang haharapin ang ICC investigators kung sakaling makakapasok sila ng bansa.
“Pag nandiyan ‘yan, wala tayong magawa kundi harapin. Harapin ‘yan. I am very confident naman na malulusutan ko ‘yan kung kasama ako. Kasama naman ako sa subject ng investigation, di ba,” aniya sa interview.
“Harapin ko ‘yan, walang problema, kung makapasok ‘yan,” giit pa niya.
Pero, binanggit ni Dela Rosa na hindi siya makikipagtulungan kung hindi papayagan ang Philippine government na payagan ang ICC na mag-imbestiga sa naturang isyu.
“Bakit ako magcooperate, bakit ako magbigay ng deposition, bakit ako magbigay ng counter-affidavit ko kung ating gobyerno nga ayaw makipag-cooperate sa kanila,” aniya.
Naunang naghain si Manila 6th District Rep. Bienvenido Abante Jr. ng isang resolution na humihiling sa gobyerno na makipagtulungan sa imbestigasyon ng ICC prosecutor sa crimes against humanity sa sinasabing war on drugs.
Lumitaw ang resolusyon, 15 araw matapos aprubahan ang hiwalay na resolusyon bilang depensa sa Mababang Kapulungan sa paratang na korapsiyon ni dating Pangulong Duterte sa nagpatining sa usap-usapan na nagkaroon ng lamat ang UniTeam coalition ng administrasyon.
Sinabi naman ni Dela Rosa na lubha itong nagtataka kung bakit gustong papasukin ni Abante ang ICC sa Pilipinas upang mag-imbestiga kung kumalas na ang Pilipinas sa pagiging miyembro ng Rome Statute.
“Hindi ko nga maintindihan bakit tayo magpupimilit na i-welcome sila e hindi na nga tayo member ng International Criminal Court di ba,” aniya.
Naunang inihayag ni President Ferdinand Marcos Jr. na hindi makikipagtulungan ang administrasyon sa ICC investigation sa libu-libong namatay sa war on drugs’.
“Wala tayong magagawa kung magbago man ang desisyon ng Pangulo. Kung mag laban-bawi siya sa kanyang sinasabi, wala ayong magawa. That is his decision, kung magbago siya, magbago ang kanyang paninindigan…Sana naman wag kayong laban-bawi,” ayon sa senador.
“Kung magbago ang isip nang ating Pangulo, anong gagawin ko? Mamundok?”giit niya.