
Ni Estong Reyes
MALAKI ang tiwala ni Senador Grace Poe na mapapalakas ang kampanya ng pamahalaan sa pagsugpo ng cyber attack sa idinagdag na P100 milyong pondo sa National Privacy Commission (NPC).
Sa deliberasyon ng pambansang badyet sa plenaryo, umaasa si Poe sa NPC na mapaghuhusay nito ang kanilang tungkulin upang protektahan ang datos ng mamamayan kabilang ang pagsugpo sa cyber attack sa idinagdag na pondo.
Ayon kay Poe, gagamitin ang dagdag na pondo sa pagbili ng information communications technology (ICT) equipment; ICT software and subscription; office rental; consultancy services; infrastructure for computer data management; at iba pang katulad na kagamitan.
“The NPC ensures that policies made by the government and information sought from our people are kept secured. This is the reason we increased the budget of the commission,” ayon kay Poe.
“We want to strengthen the NPC and make it the public’s first resort for data privacy issues, similar to our version of 911 for emergencies,” dagdag ng chairperson ng Senate public services committee.
Naunang nagpanukala ang Palasyo ng P337.5 milyon badyet sa NPC sa susunod na taon.
Sa pagtaas ng badyet, sinabi ni Poe na inaasahan sa privacy commission na mapapalakas nito ang public presence at pangunahan ang pagtataguyod ng data privacy awareness bukod sa pagiging go-to-agency kapag lumutang ang katanungan hinggil sa data safety.
Iginiit pa ng senador na dapat ipagpatuloy ang ahensiya ang pagkakalat ng kamalayan sa data privacy partikular sa kanayunan at sa mas mababang kalagayan sa lipunan upang hindi sila maging biktima sa pang-aabuso sa data privacy.
Bilang taga-bantay ng privacy ng bansa, may mandato ang NPC na pangasiwaan at ipatupad ang Data Privacy Act.
Tungkulin din ng ahensiya na magmonitor at tiyakin na tumutupad sa international standard na itinakda sa pagbibigay proteksiyon sa datos.
Kabilang ang NPC bilang attached agency ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na inisposoran ni Poe sa pagtatanggol ng badyet nito sa plenaryo.
Hindi na dapat maulit ang panghihimasok sa data na nangyari sa nakaraang buwan na kinasasangkutan ng ilang ahensiya ng pamahalaan na nagresulta sa maraming impormasyon ang nakalabas.
Hinimok din niya ang NPC na maging proactive sa pakikipagtulungan sa pribadong sektor upang matiyak na napapangalagaan ang data na kinokolekta sa mamamayan partikular ang implementasyon ng SIM Registration Act, ang batas na kanyang inawtor.
“Bilang privacy authority, dapat tignan ng NPC ang anumang data na nakolekta ang dapat protektahan,” ani Poe.