MAGIGING simple lamang ang isasagawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa darating na Lunes bilang pakikiisa sa mga nasalanta ng kalamidad na dulot ng bangis ng bagyo at habagat.
Ito ang ipinabatid ni i re-elected Iloilo Rep. Janette L. Garin sa isang online press conference.
Taliwas sa nakagawiang mala-fashion show na pagrampa ng mga mambabatas at mga panauhin, wala munang bonggang kasuotan. Wala rin muna aniyang “red carpet” sa Batasan.
“Dapat simple lang sa SONA, dapat hindi na marangya, hindi na parang fashion show bilang tugon sa panawagan ni Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez, ang Speaker noong 19th Congress,” wika ni Garin.
“At the end of the day, ‘yung pinaka-importante kasi yung serbisyo sa taumbayan,” dagdag pa niya.
Sinabi ng Iloilo solon na kabilang sa mga pagbabago ang pagtanggal ng red carpet fanfare, paglimita sa mga bulaklak at dekorasyon, at hindi pagkuha ng mamahaling catering.
Wala na ring umanong karagdagang gastusin na ginawa ang Kamara para sa pagbili ng mga gagamitin para lang sa SONA.
“There will be no additional procurement on many aspects simply because may SONA,” paliwanag ng lady solon.
“Andun lang ‘yung konting bulaklak, nandun na ‘yung mga LED screen, lahat ito ay parang gamit na ginagamit din nang araw-araw na session,” dagdag pa niya.
Aniya, iminungkahi ni Rep. Romualdez na ang lahat ng gastos ay dapat nakabatay sa tunay na pangangailangan ng publiko.
“Cong. Martin Romualdez has given the directive… every action should be based on need and not on wants. And need should be focused on ano ang kailangan ng bawat pamilyang Pilipino,” aniya pa.
Ang ika-apat na SONA ni Marcos Jr. ay nakatakdang ganapin sa Hulyo 28 sa Batasang Pambansa sa Quezon City.
Sa kabila ng pangambang dulot ng masamang panahon, kinumpirma ni Garin na tuloy pa rin ang programa sa itinakdang lugar.
“On the part of the House of Representatives, tuloy siya. Pero itong ulan na ito ay hindi sagabal para sa pagbiyahe ng Presidente by land papunta ng Kongreso,” aniya.
Ibinahagi rin ni Garin na may napag-usapang contingency plans sa mga pulong ng Kamara, partikular para tiyakin ang kaligtasan ng mga bisita ng SONA, lalo na ang mga senior citizen.
“Ang concern actually nung leadership nung House, nung 19th Congress, is the safety na baka may ma-slide, ‘yung mga mag-assist lalo na sa ating mga senior citizens,” ani Garin.
Dahil na rin sa naunang pahayag ng Pangulo na nais niyang iwasan ang magarbo at engrandeng pagdaraos, ay tumalima ang Kamara.
Ayon kay Garin, maging ang pagkain para sa mga dadalo ay simple at hindi magarbo.
“It was simply like alam mo snack na nandyan lang kasi syempre buong araw nandun ‘yung mga tao. Pero nandun ‘yung panawagan niya na why we don’t all set an example, ‘wag na ‘yung mapipilitan ‘yung iba na talagang magpabongga-bongga,” giit niya.
Dagdag pa niya na ang mga kagamitan gaya ng mesa at upuan na binili para sa SONA ay magagamit din sa regular na mga sesyon ng Kamara. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
