“NASAAN ang Pangalawang Pangulo ng Republika sa oras na pinaka-kailangan siya ng sambayanang Pilipino? Nasa ibang bansa na naman!”
Ito ang mariing pahayag ni La Union 1st District Rep. Paolo Ortega V kasabay ng pagkondena sa aniya’y pagkakaroon ng bisyo ni Vice President Sara Duterte na maglamyerda sa iba’t-ibang bansa.
“Habang inililikas ang mga pamilya, winawasak ang mga tahanan at abala ang mga rescuer sa pagsagip ng buhay, ang Pangalawang Pangulo ay wala… nasa ibang bansa para sa pansariling dahilan,” dagdag pa niya.
Batay sa mga ulat, nasa The Hague, Netherlands si Duterte—kung saan nakakulong ang amang dating Pangulong Rodrigo Duterte, na nahaharap sa kasong crimes against humanity kaugnay ng extrajudicial killings na kalakip ng madugong giyera kontra droga ng nagdaang administrasyon.
Ayon kay Ortega, hindi ito unang beses na nangyari kung saan tinukoy niya ang insidente noong Hulyo 2024 nang bumiyahe rin si Duterte sa Germany kasama ang pamilya para manood umano ng concert ni Taylor Swift habang naghahasik ng delubyo ang bagyong Carina.
“Once is unfortunate. Twice is a pattern. There is something fundamentally wrong when a high-ranking official chooses to leave the country every time disaster strikes,” ani Ortega.
Sa panig ni Zambales 1st District Rep. Jay Khonghun, sinabi niyang nakadidismayang malaman na nasa ibang bansa ang bise presidente habang maraming Pilipino ang naghihirap dahil sa kalamidad.
Binigyang-diin niya ang kahalagahan na damayan ng mga opisyal ang mga Pilipinong nahaharap sa krisis.
“Ang tanong namin: Nasaan ka, Vice President? Habang binabaha ang ating mga kababayan at nangangailangan ng tulong, nasaan ka?” tanong ni Khonghun.
“Nasa The Hague ka para sa personal na dahilan habang ang mga Pilipino ay nakikipaglaban sa ulan, baha at kawalan ng kuryente. Malinaw ang pagkukulang,” dagdag pa niya.
Ani Khonghun, ang paulit-ulit na pagkawala ng Bise Presidente tuwing may sakuna ay nakakabawas sa tiwala ng publiko at nakakababa sa dignidad ng tanggapan nito.
“This is not about politics. This is about character. Public office is public trust, and trust is built through presence, compassion and action. If you are not there when the people need you most, then what is your purpose?” giit ni Khonghun.
Nanawagan ang dalawang opisyal ng tinaguriang House Young Guns sa Office of the Vice President na ipaliwanag ang layunin at pinagmulan ng pondo ng biyahe ni Duterte sa ibang bansa at huwag magtago sa likod ng personal na dahilan.
“Public service requires sacrifice. You cannot pick and choose when to serve. The Filipino people are watching, and they are taking note of who shows up and who disappears,” ani Ortega.
Dagdag pa ni Khonghun: “This is about priorities. The Vice President should put the country first, especially in times of crisis. The pattern of neglect is unacceptable.” (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
