MATAPOS maisumite ng Kamara sa Senado ang Articles of Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte, nanawagan ang isang militanteng kongresista sa mga sambayanan — bantayan ang bawat galaw ng senado sa pagganap ng mandato alinsunod sa konstitusyon.
Sa isang kalatas, nagpahayag ng pagkabahala si Kabataan partylist Rep. sa posibilidad ng isang moro-morong paglilitis kay Vice Presidential Sara Duterte na nahaharap sa kabi-kabilang reklamo ng katiwalian.
“Ang dapat nating tutukan sa mga susunod na araw is how the Senate will process the articles of impeachment,” wika ni Co sa Saturday News Forum sa Dapo Restaurant, Quezon City.
Sa ilalim aniya ng impeachment procedures, ang panig ng prosecution at respondent ay kapwa bibigyan ng pagkakataon magpalitan ng pleadings bago ang pre-trial at sa mismong pagdinig ng senate impeachment court.
“Procedurally, mayroon mga ilang araw na ibibigay natin sa prosecution at respondents para magpalitan ng answer and reply. That will take 15 days, after which may pre-trial then saka lang sasalang sa trial proper,” paliwanag ni Co.
“So, several days ‘yun before maaasahan natin yung araw-araw na trial hearings,” dugtong ng militanteng kongresista.
Subalit ang mas mahalaga aniyang tutukan ng taumbayan ay kung ano ang magiging tugon ng bagong liderato ng Senado kasunod ng transmittal ng Articles of Impeachment.
“Pag sinabing forthwith, it means immediately. Hindi dapat madelay at ipahintay ng ilang araw or even ilang buwan,” giit ni Co.
Anang ng mambabatas, ang pagpapalit ng namumuno sa Senado ay maaaring maging masalimuot na usapin dahil karamihan sa bumubuo ng bagong mayorya ay kilalang kaalyado ng bise-presidente.
“Maaasahan natin na may ganyan lalo na nagbago ang liderato ng Senado at ito ang isa sa makikita natin contentious issues na pagdedebatehan nila on the floor.”
“Ang isang paraan na lang din para ma-ensure na ang mga senador natin ay totoong ie-exhibit ang political neutrality ay kung active participants din ang mamamayan sa proseso. So ipaalam ng mamamayan ano saloobin at pagtingin nila doon sa ilang manipestasyon, tanong, o magiging sagot ng mga members ng ating impeachment court,” pahabol ni Co.
Samantala, kumbinsido ang isang akademista mula sa Polytechnic University of the Philippines (PUP) na wala na ang ‘karisma’ ng pangalawang pangulo.
Bilang patunay, tahasang tinukoy ni Assistant Professor Louie Montemar ang aniya’y ‘nilangaw’ na panawagan ng kampo ni Duterte para sa panibagong kilos-protesta na naglalayong idiskaril ang pagdinig matapos ipasa sa senado ang Articles of Impeachment kontra bise-presidente.
“Hindi po ba napansin natin na ilang panawagan na ang ginawa ng mga lider o ng mga kinatawan ng mga Duterte supporters at nakita natin na hindi nila kaya magpatawag, mag-mobilize ng maraming tao at ma-sustain ito,” paglalahad ni Montemar na tumatayong lider ng PUP Advocacy Center.
“Kahit si Harry Roque o si Mike Defensor nanawagan sila, walang nangyari,” dagdag niya.
Ayon kay Montemar, kumpara sa People Power Revolution at EDSA II na dinagsa ng mga tao, walang pumatol sa mga udyok ng mga kaalyado ni Duterte.
Sinilip din ng propesor ang kredibilidad ng mga nasa likod ng panawagan na dahilan sa likod ng bigong mobilisasyon sa ikinakasang demonstrasyon.
