
SA pagtatapos ng itinakdang SIM Registration deadline, nanawagan ang isang prominenteng sendor sa pamahalaan na agad tugisin ang mga grupo at indibidwal sa likod ng panloloko gamit ang subscriber identity module (SIM) ng mobile phones.
Ayon kay Senador Grace Poe, hindi na dapat bigyan pa ng puwang ng gobyerno ang panlolokong aniya’y mas madali nang matutunton gamit sa tulong ng batas at makabagong teknolohiya.
“Hudyat ng pagsisimula ng matinding pagtugis ang pagtatapos ng SIM registration laban sa scammer gamit ang mobile phone,” ayon kay Poe na pangunahing may-akda ng Republic Act 11934 (SIM Registration Act).
“Hamon sa law enforcers na ipakita kung paano masasampulan ang mga lumalabag sa SIM Registration Law,” dagdag niya.
Kumbinsido rin ang chairperson ng Senate committee on public services na mayroong sapat na mekanismo at maasahang datos ang Philippine National Police (PNP) at mga katuwang na ahensya upang mamonitor ang anumang krimen gamit ang SIM.
“Hindi na mangangapa sa dilim ang PNP kapag may nag-report ng text scam,” ayon sa mambabatas.
“Kaakibat nito, inaasahan natin ang mabilis na pag-responde sa mga sumbong para mapanatag naman ang ating mga kababayan,” aniya pa.
Pinaalalahanan rin ng senador ang mga telecommunications providers na magsumite ng verified list ng kanilang authorized dealers at agents nationwide sa National Telecommunications Commission at ang updated list kada isang yugto ng taon.