
HABANG tumatagal, mas lumalalim ang misteryo kung paano naubos ang humigit kumulang P612.5-million confidential funds na inilaan sa mga tanggapang pinangasiwaan ni Vice President Sara Duterte noong tong 2023.
Para kay La Union Rep. Paolo Ortega V, mas tumitibay ang paratang na may isang “budol gang” na nagmanipula ng irregularidad sa pagkakalantad ng mga pangalang ka-apelyido ng mga senador.
“These irregularities are too glaring to ignore—these names from the supposed Budol Gang call for a deeper look,” pahayag ni Ortega na tumatayong Deputy Majority Leader ng Kamara sa tinawag niyang pinakamalaking eskandalo sa kasaysayan ng paglulustay sa .pondo ng gobyerno.
Ayon kay Ortega, lumitaw ang mga pangalang may apelyido ng mga kasalukuyang senador gaya nina “Beth Revilla,” “Janice Marie Revilla,” “Diane Maple Lapid,” “John A. Lapid Jr.,” “Clarisse Hontiveros,” “Kristine Applegate Estrada,” at “Denise Tanya Escudero” na lumalabas na benepisyaryo ng confidential funds ng bise presidente.
Bukod sa naunang sumikat na pangalang “Mary Grace Piattos,” sinabi ni Ortega na nasa listahan din sina “Cannor Adrian Contis,” at mga indibidwal na may apelyidong “Solon”: Kris Solon at Paul M. Solon—apelyido na kahawig ni Sarangani Rep. Steve Chiongbian Solon.
“Hindi lang pala si Mary Grace Piattos ang may kapangalan na café-restaurant, pati pala Contis. Kapag ba may confidential funds ang opisina mo, may sweet tooth ka din?” biro ni Ortega.
“Tapos may ‘Solon’ pa na ka-apelyido ng ating kasamahan na si congressman Steve Solon,” dagdag niya.
“Hanggang Senado po, hindi na pinalampas nitong ‘Budol Gang.’ Pambihira, dinadamay pati mga apelyido ng ating esteemed senators. Ganyan po kagarapal ang listahan ng supposed beneficiaries ng OVP confidential funds,” giit ni Ortega.
“Hindi nakakatawa ang paulit-ulit na paggamit ng mga pekeng pangalan na parang hinugot mula sa sine at showbiz,” dagdag pa niya.
Pagbibigay-diin ni Ortega, ang dalas at pagiging malikhain ng mga pangalan ay tila hindi na aksidente kundi maaaring indikasyon ng sistematikong pagtatangkang itago ang tunay na galaw ng confidential funds.
“Public funds ang pinag-uusapan. Kung wala silang maipakitang ebidensya na tunay ang mga taong ito, ito mismo ang magiging matibay na ebidensya laban sa kanya sa impeachment trial,” sambit pa ni Ortega.
Katulad ng mga naunang nabunyag, sinabi ni Ortega na ang mga bagong pangalan ay wala ring lumalabas na birth, marriage, o death records sa talaan ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Nauna nang inihayag ni Ortega ang mga pangalan gaya nina Honeylet Camille Sy, Feonna Biong, Feonna Villegas, at Joel Linangan mula sa OVP at Fiona Ranitez, Erwin Q. Ewan, Ellen Magellan, Gary Tanada mula sa Department of Education (DepEd) na umano’y benepisyaryo rin ng confidential funds.
Kasama rin sa mga pekeng pangalan mula sa “Team Grocery” sina Beverly Claire Pampano, Mico Harina, Ralph Josh Bacon, Patty Ting, at Sala Casim, ayon kay Ortega.
Binanggit din niya ang grupo na tinawag na “Team Amoy Asim” na binubuo nina Amoy Liu, Fernan Amuy, at Joug De Asim.
Ipinunto rin ni Ortega ang mga pangalan gaya ng Mary Grace Piattos, na pinagsama ang pangalan ng isang bakery at snack food, at Xiaome Ocho na kahawig ng isang kilalang smartphone brand.
Batay sa acknowledgment receipts na isinumite ng OVP sa Commission on Audit (COA) bilang patunay sa paggamit ng confidential funds, natuklasan ng PSA na sa 1,992 na listed recipients, 1,322 ay walang birth records, 1,456 ay walang marriage records, at 1,593 ay walang death records.
Inihayag din ni Manila Rep. Joel Chua, chair ng House Committee on Good Government and Public Accountability, na 405 sa 677 pangalang benepisyaryo ng DepEd confidential funds ay walang birth records—na malinaw na indikasyon umano ng pekeng mga pangalan.
Lahat ng bagong pangalan na nabunyag ay bahagi ng ₱500 milyong confidential funds ng OVP na inilabas noong 2023.
Bagamat ginagamit para sa sensitibong operasyon ang confidential funds, binigyang-diin ni Ortega na may umiiral na mga patakaran—lalo na ang Joint Circular 2015-01 ng COA at Department of Budget and Management—na nag-aatas sa mga ahensya na magkaroon ng sealed at verifiable na dokumento na nag-uugnay sa mga alyas sa tunay na katauhan.
“Kung paulit-ulit na gumamit ang OVP ng fictitious names, meron silang obligasyong patunayan na may tunay na tao sa likod ng bawat pangalan,” sabi ni Ortega. “At kung wala, mismong listahan ang magiging ebidensya ng katiwalian sa Senado.” (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)