KUNG ang pagbabatayan ang resulta ng nakaraang Social Weather Stations (SWS) survey, malinaw ang mensaheng nais iparating ng mga mamamayan kay Vice President Sara Duterte — tigilan ang pamumulitika at harapin ang kinakaharap na impeachment case.
Ito ang tahasang sinabi ni House Deputy Majority Leader at La Union Rep. Paolo Ortega V hinggil sa SWS survey na isinagawa mula Mayo hanggang 6.
“Ang mensahe ng survey ay malinaw: Harapin ang kaso, tumigil sa pamumulitika, at makipag tulungan para sa ikabubuti ng bansa. Yan ang inaasahan ng taumbayan sa isang Pangalawang Pangulo,” ani Ortega.
Batay sa resulta ng survey, 74 porsyento ng mga Pilipino ang pabor na tumulong si Duterte sa gobyerno sa halip na pukulin ng kritisismo.
“Hindi po ito panahon ng awayan. Gusto ng mamamayan ay magkaisa tayong lahat para sa Bagong Pilipinas,” dugtong ni Ortega.
Ayon din sa survey, 88 porsyento ng mga Pilipino ang naniniwala na dapat harapin ni Duterte ang impeachment case at linisin ang kanyang pangalan.
“Kung talagang walang kasalanan si VP Sara, bakit takot siyang harapin ang mga paratang?” tanong ni Ortega.
Nasa 59% porsyento ng mga Pilipino naman ang nais na tigilan na ni Duterte ang pamumulitika at tutukan ang kanyang trabaho bilang Bise Presidente.
“Trabaho muna, politika mamaya — yan ang gusto ng taumbayan,” dagdag pa Ortega.
Ayon din sa survey, 61 porsyento ang nais na tutukan ni Duterte ang kanyang mga sariling polisiya sa halip na atakehin ang iba, at 50 porsyento naman ang nagsabi na dapat tigilan na ng Bise Presidente ang pagtuligsa sa gobyerno at mga programa nito.
“Kung may layunin siyang makakabuti, ipakita niya ito sa gawa, hindi sa pagbatikos. Hindi makatutulong ang sigawan. Ang kailangan ay solusyon,” giit ni Ortega.
Sinabi ni Ortega na hindi maaaring balewalain na lamang ang resulta ng survey at dapat itong pakinggan ni Duterte.
“The people have spoken, and they want less politics, more results,” pahabol ng mambabatas. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
