Ni Romeo Allan Butuyan II
TALIWAS sa usap-usapan hinggil sa di umano’y nakakubling confidential at intelligence funds (CIF) para sa mga kongresista, nilinaw ng Kamara de Representantes na hindi uso sa Mababang Kapulungan ang pagtatago ng detalye kung paano ginamit ang kanilang pondo.
Katunayan pa, ayon kay House Secretary General Reginald Velasco, malinis ang rekord ng Kamara batay sa pinakahuling pagsusuri ng Commission on Audit (COA).
Partikular na tinukoy ni Velasco ang audit report na lumalabas noong ika-2 ng Oktubre kung saan lumalabas na walang anumang ‘disallowance’ na natanggap ang Kamara.
Para sa House official, patunay ang COA report na pumasa ang Lower House sa masusing pagbusisi ng state audit agency at lahat ng pondong ginamit nila ay tama ang naging paglalaan nito o paggasta.
“No notice of suspension and no notice of charge, ibig pong sabihin, pasado kami sa COA audit,” tugon pa ng House secretary general sa patutsada ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte makaraang tanggalan ng CIF ang anak niya si Vice President Sara Duterte.
Sinabi pa ng former chief executive na mayroon din CIF ang Kamara.
“The House has no confidential and intelligence funds. All line items in our budget are subject to regular accounting and auditing rules and regulations. Laging bukas po ang aming libro sa Commission on Audit,” tugon ni Velasco sa pahayag ng dating Pangulo.
Gayunpaman, nilinaw ni Velasco na kaisa at suportado ng Kamara de Representantes, sa ilalim ng liderato ni Speaker Martin Romualdez, ang pahayag ng dating Pangulo na dapat “transparent and fully auditable” ang paggamit ng pondo ng gobyerno.