SA pagnanais tiyakin na walang foreign nationals na makakasungkit ng pwesto sa pamahalaan, nakatakdang magsagawa ng malalimang background check ang tatlong ahensya ng pamahalaan sa talaan ng mga kandidato sa nalalapit na halalan.
Sa kalatas ng Commission on Elections (Comelec), partikular na target sa implementasyon ng background check ang impluwensya ng dayuhan sa 2025 midterm election, tulad aniya ng bulilyasong kinasangkutan ng sinibak na Bamban (Tarlac) Mayor Guo Hua Ping alyas Alice Guo.
Ayon kay Comelec chairman George Garcia, makakatuwang ng ahensya ang Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP) at Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) para tukuyin ang mga pekeng Pilipino sa talaan ng mga kandidatong sasabak sa eleksyon sa Mayo.
Bukod sa mga kandidatong nagpapanggap na Pinoy, puntirya rin ng background check ang mga aspiranteng sangkot sa mga ilegal na negosyo tulad ng kalakalan ng droga, illegal POGO operation, smuggling, money laundering at iba pang mahigpit na ipinagbabawal alinsunod sa umiiral na batas.
Pamumunuan ng AFP ang background checking ng mga kandidato sa tulong ng intelligence network ng sandatahang lakas. Babantayan naman ng PNP ang pagpasok ng foreign funding na posibleng gamitin sa “vote-buying”.
