PARA kay Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez, hindi angkop na pahirapan ang mga miyembro ng Social Security System (SSS) habang pasasa naman sa bonggang sweldo ang mga opisyales ng naturang ahensya.
Sa paghahain ng House Resolution 2161, partikular na isinusulong ni Rodriguez ang suspensyon sa implementasyon ng contribution rate increase na itinulak ng SSS sa kabila ng pagtutol ng mga mambabatas mula sa Kamara at maging sa Senado.
Bukod sa suspensyon ng SSS contribution rate increase, target din ng kongresista pigain ang SSS para isapubliko ang sweldo at mga bonus na tinatanggap ng mga opisyal.
Ayon kay Rodriguez, ang dagdag na 1% sa contribution rate ay karagdagang pasanin ng mga empleyado sa pribadong sektor na nahihirapan na sa taas ng presyo ng mga bilihin.
Sa halip aniyang magpataw ng umento sa buwanang butaw, mas mainam umano paigtingin ang pangongolekta sa mga kumpanyang hindi nagre-remit sa ahensya.
“The (COA) audit report shows that only P4.581 billion was collected, which is only around 4.89 percent of the established collectibles of P93.747 billion for 2023,” punto ni Rodriguez.
Sa ilalim ng Social Security Act of 2018 (Republic Act 11199) ang premium contribution ay itataas sa 12% noong 2019, 13% noong 2021, gagawing 14% noong 2023 at 15% ngayong taon.
Sa pagtataas ngayong taon, mga employer ang sasalo sa 10% at sa empleyado ikakaltas ang 5%.
