
HINDI man agad-agad, kumbinsido ang Department of Justice (DOJ) na maibabalik sa bansa si former presidential spokesperson Harry Roque kung mapawalang-bisa ang kanyang pasaporte.
Sa isang kalatas, inamin ni Justice Secretary Crispin Remulla ang pagsusumite ng ahensya ng isang kahilingan para sa kanselasyon ng pasaporte ni Roque.
“Hindi ko pa na pirmahan, we will do that,” ani Remulla hinggil sa paglusaw ng pasaporte ni Roque na target ng warrant of arrest na inilabas ng Angeles City Trial Court kaugnay ng kasong human trafficking dahil sa ilegal na operasyon ng POGO sa Porac, Pampanga.
Pag-amin ng DOJ chief, hindi agad na mai-dedeport pabalik ng Pilipinas si Roque dahil sa nakabinbin aplikasyon para sa asylum sa Netherlands.
Gayunpaman, naniniwala si Remulla na mapipilitan ang gobyerno ng alin mang bansa na ideport si Roque kung wala siyang hawak na “valid passport” at kung tatablahin ng Netherlands ang hiling na asylum ng dating Palace official.
“He will be an undocumented alien, pag wala siyang asylum at na-cancel ang passport niya he will be deported.”
“I’m sure the asylum application will have to be finished before it is acted upon in the Netherlands, but we know that the Netherlands will not tolerate the commission of crimes that are being charged in this case, they will not tolerate it,” ani Remulla.