Ni ESTONG REYES
SA gitna ng kabi-kabilang panawagang ipagbawal ang Philippine Offshore Gaming Operation (POGO) sa bansa, tinatrabaho naman ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ang pagbabalik ng e-sabong na dati nang pinatigil ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Ways and Means kaugnay ng panukalang Anti-Online Gambling Act, inamin ni PAGCOR chairman Alejandro Tengco ang patuloy na pamamayagpag ng e-sabong – pero ang gobyerno, walang napapala maski isang sentimo.
“As of now I think there is an ongoing study primarily because despite the ban which was made if I’m not mistaken sometime in May 2022, e-sabong continues to proliferate, e-sabong is ongoing and unfortunately it is not being regulated,” wika ni Tengco.
Nagpahayag din ng panghihinayang ang PAGCOR chairman sa P65 bilyon kada taon na pumapasok sa gobyerno bago pa man ipinagbawal ng Pangulo ang e-sabong noong huling bahagi ng 2022.
“During the time that e-sabong was being regulated by Pagcor in the year 2021, I believed, was able to generate close to P65 billion in licensee fees and the sad part is that today, the government is not getting a centavo, I would say. I suppose everybody knows that e-sabong continues to operate in diff parts of this country,” aniya pa.
“Now, whether it will be revived, I don’t want to second guess but I believe that again this is major problem of regulating said e-sabong…so I think there might be some variations in the regulations that can be studied but then again it do not want to preempt whatever decision whoever will make on the matter,” pagtatapos ni Tengco.
Sa ilalim ng dating administrasyon sumipa ng husto ang e-sabong na kinahumalingan ng maraming Pilipino – kabilang ang mga kabataan, gamit ang internet at telepono.
Gayunpaman, lumalabas na mas matimbang ang masamang epekto ng naturang sugal sa mga kabataan, sa relasyon ng pamilya at maging sa kabuhayan ng mga ordinaryong manggagawa.
Sa panahong usong-uso ang e-sabong, hindi na rin mabilang ang mga krimen na naganap kaugnay ng nabanggit na sugal.
Kabilang sa tumatak sa isipan ng mga mamamayan ang pagdukot ng hindi bababa sa 34 sabungerong pinaniniwalaang pinaslang ng sindikato. Ang dahilan – masyado nang maraming alam.
