HABANG papalapit na ang takdang araw ng pagbaba sa pwesto ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Rommel Marbil, palakas ng palakas naman ang hugong sa posibleng hahalili sa pwesto — si Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) chief Gen. Nestor Torre.
Gayunpaman, nilinaw ng Palasyo na wala pang desisyon si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kung sino sa mga nasa “shortlist” ang ipapalit kay Marbil na nakatakdang magretiro sa Hunyo 7.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, nasa proseso na ang Pangulo sa pagpili ng karapat-dapat na mamuno sa pambansang pulisya.
Bukod kay Torre, kabilang sa mga pinagpipilian ni Marcos sina National Capital Region Police Office Director Brig. Gen. Anthony Aberin, PNP Deputy Chief for Administration Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. at PNP Chief Directorial Staff Lt. Gen. Edgar Allan Okubo.
“Sa ngayon po ay wala pa pong ipinapaabot sa atin. Hintayin na lang po natin ang announcement ng Pangulo patungkol diyan,” ani Castro.
Buwan ng Marso nang bumida si Torre matapos pangunahan ang pagdakip kay former President Rodrigo Duterte na kasalukuyan nang nakapiit sa Netherlands kaugnay ng crimes against humanity na inihain ng naulila ng libo-libong biktima ng madugong giyera kontra droga mula 2017 hanggang 2022.
