HINDI pinalampas ng Department of Tourism (DOT) ang kapalpakan ng isang advertising agency na nagbigay ng kahihiyan sa ahensya sa paraan ng pagbasura ng nilagdaan kontrata para sa promosyon ng bansa bilang isang ‘all-in-one tourist destination.’
Ayon sa DOT, hindi katanggap-tanggap ang ginawa ng DDB Philippines na nasa likod ng inilabas na campaign video sa turismo ng bansa na “Love The Philippines.”
Maggunitang umamin ang DDB sa paggamit ng “stock footage” sa audiovisual presentation para sa sa bagong promotional video na pinuna ng blogger na si Sass Sasot kung saan mapapanood ang ilang eksenang halaw sa mga lumang video na kuha sa ibang bansa.
Partikular na tinukoy ang mga kuha umano sa rice terraces sa Bali, Indonesia; isang mangingisdang naghahagis ng lambat sa Thailand; isang pampasaherong eroplano sa Zurich, Switzerland; tumatalon na mga dolphin; at isang taong nagmamaneho ng sasakyan sa mga buhangin sa Dubai, United Arab Emirates.
Sa isang pahayag, sinabi ng DOT na nilabag ng DDB Philippines ang ilang mga alituntunin sa ilalim ng kontrata ng campaign branding sa turismo kabilang ang paggamit ng mga orihinal na materyales para sa promotional video.
“As DDB Philippines has publicly apologized, taken full responsibility, and admitted in no uncertain terms, that non-original materials were used in their AVP, reflecting an abject failure to comply with their obligation/s under the contract and a direct contravention with the DOT’s objectives for the enhanced tourism branding, the DOT hereby exercises its right to proceed with termination proceedings against its contract with DDB,” saad sa isang pahayag ng DOT.
“The DOT shall exercise its right to forfeit performance security as a result of default in obligations under the contract, as well to review standards of performance or lack thereof vis-a-vis any claims for payment and/or any other engagement,”dagdag pa nito.
Nitong Linggo, Hulyo 2, 2023 nang humingi ng paumanhin ang nasabing ad agency sa DOT sa pag-amin na ginamit nila ang non-original stock footage sa campaign video, isang araw matapos iutos ng DOT ang imbestigasyon sa hinggil sa nasabing video.