
MATAPOS ang metikulosong pagsusuri, itinanghal kamakailan ng Philippine National Police (PNP) ang himpilan ng pulisya sa bayan ng Luisiana bilang Most Outstanding Class-C Municipal Police Station sa larangan ng Police Community Relations sa lalawigan ng Laguna.
Sa ulat ni Luisiana Chief of Police, Major Glenn Cuevas, dakong 7:30 ng umaga isinagawa ang ika-28th Police Community Relations Month Kick-Off at awarding sa tradisyonal na flag raising sa Camp Brig. Gen. Paciano Rizal.
Personal na tinanggap ni Maj. Cuevas ang Certificate of Commendation sa kapuri-puri nitong pagsasakatuparan ng mga programa, proyekto at aktibidad.
Partikular na binigyang bentahe ng mga inampalan ang Police Community Affairs and Development kung saan inilalapit ang pulisya sa mga mamamayan sa bisa ng programang “Barangay at Pulisya, magkaagapay”.
Nagpaabot ng pasasalamat sa komunidad ang Luisiana PNP sa patuloy na pakikiisa sa isinusulong na kapayapaan at kaayusan sa naturang lokalidad.