SA gitna ng kabi-kabilang imbestigasyon sa malawakang korapsyon sa ehekutibo at Kongreso, ibinisto ni Ombudsman Crispin Remulla na talamak din umano ang katiwalian maging sa Sandiganbayan.
Bilang patunay, inihalimbawa ni Remulla ang pasya ng Sandiganbayan sa mga kontrobersyal na kaso tulad ng fertilizer fund scam kung saan pinawalang sala ng Sandiganbayan si dating Agriculture Undersecretary Jocelyn “Joc-joc” Bolante sa kasong plunder kaugnay ng P723 milyong fertilizer fund scam.
“‘Yung Sandiganbayan ang galing din mag-acquit, ano? Lahat ng dahilan para mag-acquit, meron ang Sandiganbayan,” wika ni Remulla sa isang panayam sa radyo.
Isiniwalat din ng Ombudsman ang tinawag niyang “lobbying” ng mga abogado sa husgado.
“(May mga) abogado na gumagapang. Kaya nga yung corruption sa atin, huwag ninyong sasabihing sa executive lang yan o legislative. Matindi ho yung judiciary. Matindi yan. Panoorin nyo lahat ng judges. Panoorin nyo yung mga justices. Panoorin natin,” patutsada ng Remulla.
Kabilang rin sa mga patunay sa aniya’y korapsyon sa Sandiganbayan ang mga kaso ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) kung saan marami aniya abswelto ang mga malalaking personalidad.
Sa rekord ng Sandiganbayan, kabilang sa mga bigating pangalan na sinampahan ng kasong plunder kaugnay ng PDAF scam sina Senador Jinggoy Estrada, dating Senador Ramon Bong Revilla Jr. at ang namayapang dating Senate president at chief presidential legal counsel Juan Ponce Enrile.
Buwan ng Oktubre na mapawalang-sala ng Sandiganbayan si Enrile, kasama ang dating chief of staff na si Jessica Lucila “Gigi” Reyes, at negosyanteng si Janet Lim-Napoles ng 15 counts ng graft kaugnay ng PDAF scam.
“Yung PDAF, huling-huli yun. Huwag mong sasabihin na mahina ang Ombudsman sa ebidensya,” diin ni Remulla.
Hawak ngayon ng Ombudsman ang mga reklamo sa flood control scandal kung saan unang sinampahan nila ng kaso sa Sandiganbayan ay si dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co.
