Ni ESTONG REYES
HINDI pa man nagtatagal sa pwesto, usap-usapan na ang di umano’y panibagong kudetang niluluto ng mga mambabatas laban kay Senate President Francis Escudero na iniluklok sa pwesto nito lamang nakalipas na Mayo.
Gayunpaman, tiniyak ni Senate President Pro-Tempore Jinggoy Estrada na mabibigo lamang umano ang mga nasa likod ng plano. Ang dahilan – suportado di umano ng mayorya ang nakaupong lider ng Senado.
“May umuugong pero hindi naman yan magpo-prosper,” wika ni Estrada sa isang panayam sa radyo.
Bukod sa nasagap na impormasyon, wala nang iba pang ibinahaging detalye si Estrada sa pagkakakilanlan ng mga diskuntentong senador at motibo sa likod ng planong pagpapatalsik kay Escudero.
Buwan nang Mayo nang aminin ni Escudero na sadyang pinagplanuhan niya ang pagpapatalsik kay Senador Juan Miguel Zubiri bilang Senate President.
Bukod kay Zubiri, laglag din sa kudetang isinagawa noong Mayo sina Sen. Loren Legarda bilang Senate President Pro-Tempore at Sen. Joel Villanueva bilang Senate Majority Leader.
Itinanggi na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang usap-usapang Palasyo ang nasa likod ng pagpapatalsik kay Zubiri. Gayunpaman, inamin ni Marcos na alam niya ang nagaganap na gapangan sa liderato ng Senado.
