Ni EDWIN MORENO
BUKOD sa gurang na, may sakit pa. Ito ang palusot ni Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Pastor Apollo Quiboloy sa Pasig City Regional Trial Court kasabay ng hirit na isailalim na lang ang kontrobersyal na lider ng sekta sa hospital arrest.
Partikular na target ni Quiboloy na kasalukuyang nakapiit sa Philippine National Police (PNP) custodial facility sa Camp Crame ang mailipat sa Veterans Memorial Medical Center sa kanyang baluarte – sa Davao City.
Sa isang pulong-balitaan, ibinahagi ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo, ang sipi ng mosyon ng kampo ni Quiboloy sa Pasig City Regional Trial Court (RTC) Branch 159, para sa hospital arrest ni Quiboloy at ng isa pang akusado na si Ingrid Canada.
“Nag-motion din po ang mga abogado po nina Quiboloy na malipat po itong si Quiboloy at Ingrid Canada doon po sa [Veterans Memorial Medical Center] po sa Davao because, accordingly, mayroon po silang mga existing medical condition at nahihirapan po sila sa custodial facility,” ayon kay Fajardo.
Inatasan umano ng hukom ang PNP na ipasuri sa pampublikong pagamutan sina Quiboloy at Canada. Habang hinihintay ang resulta ng medical checkup ni Quiboloy, mananatili muna ang KOJC founder sa PNP detention facility.
Samantala, naglabas na rin ng commitment order ang Pasig RTC para sa apat na kapwa akusado ni Quiboloy para sa agarang paglilipat sa Pasig City Jail.
“Si Pastor Quiboloy po, pending resolution sa kanilang motion to be checked by the medical doctors na ipo-provide ng government, maiiwan muna siya pansamantala sa custodial center,” wika ni Fajardo.
Nahaharap si Quiboloy at iba pa sa mga kasong paglabag sa Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act, pati na ang qualified human trafficking.
Una nang naghain si Quiboloy ng “not guilty” plea nang basahan ng sakdal sa korte nitong Biyernes.
Bukod sa mga asuntong nakahain sa Pilipinas, target din ng Federal Bureau of Investigation (FBI) ng Estados Unidos si Quiboloy na nahaharap sa kasong conspiracy to engage in sex trafficking by force, fraud and coercion and sex trafficking of children; sex trafficking by force, fraud and coercion; conspiracy; at bulk cash smuggling.
