USAP-USAPAN sa Kamara ng panibagong rigodon sa pamunuan ng mababang kapulungan. Ang itinuturong salarin — si Vice President Sara Duterte.
Partikular na isinusulong umano ni VP Sara ang pag-upo ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo bilang lider ng Kamara.
Bagamat nasa 30 kongresista pa lang ang nagpahayag ng suporta kay Arroyo, patuloy ang pakikipag-usap sa iba pang mambabatas na dismayado sa liderato ni House Speaker Faustino Dy III.
Target ng grupo ni Arroyo makumbinsi ang 160 kongresista para patalsikin sa pwesto si Dy.
Buwan ng Hunyo ng taong 2018 nang manungkulan si Arroyo bilang lider ng Kamara matapos patalsikin si dating House Speaker Pantaleon Alvarez — sa tulong ng noo’y Davao City Mayor Sara Duterte.
Samantala, naniniwala si Caloocan City Rep. Edgar Erice na hindi magtatagumpay ang kudeta laban kay Dy. Ang dahilan aniya — walang iniaalok na biyaya ang grupo ni Arroyo.
“Wala ‘yan dahil naghihintay ang mga congressman ng biyaya,” wika ni Erice.
